At tinipon niya ang labingdalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at kapamahalaan sa lahat ng mga demonio, at upang magpagaling ng mga sakit. At sila'y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Dios, at magpagaling ng mga may sakit. At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagdala ng anoman sa inyong paglalakad, kahit tungkod, kahit supot ng ulam, kahit tinapay, kahit salapi; at kahit magkaroon ng dalawang tunika. At sa anomang bahay na inyong pasukin, doon kayo mangatira, at buhat doo'y magsialis kayo. At ang lahat na di magsitanggap sa inyo sa bayang yaon, ay ipagpag ninyo ang alabok sa inyong mga paa, na pinaka patotoo laban sa kanila. At sila'y nagsialis, at nagsiparoon sa lahat ng mga nayon, na ipinangangaral ang evangelio, at nagpapagaling saa't saan man. Nabalitaan nga ni Herodes na tetrarka ang lahat na ginawa; at siya'y totoong natitilihan, sapagka't sinasabi ng ilan, na si Juan ay muling ibinangon sa mga patay; At ng ilan, na si Elias ay lumitaw; at ng mga iba, na isa sa mga datihang propeta ay muling ibinangon. At sinabi ni Herodes, Pinugutan ko ng ulo si Juan: datapuwa't sino nga ito, na tungkol sa kaniya'y nababalitaan ko ang gayong bagay? At pinagsisikapan niyang siya'y makita. At nang magsibalik ang mga apostol, ay isinaysay nila sa kaniya kung anong mga bagay ang kanilang ginawa. At sila'y isinama niya, at lumigpit na bukod sa isang bayan na tinatawag na Betsaida. Datapuwa't nang maalaman ng mga karamihan ay nagsisunod sa kaniya: at sila'y tinanggap niyang may galak at sinasalita sa kanila ang tungkol sa kaharian ng Dios, at pinagagaling niya ang nangagkakailangang gamutin. At nagpasimulang kumiling ang araw; at nagsilapit ang labingdalawa, at nangagsabi sa kaniya, Paalisin mo ang karamihan, upang sila'y magsiparoon sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibotlibot, at mangakapanuluyan, at mangakakuha ng pagkain: sapagka't tayo'y nangarito sa isang ilang na dako. Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila, Wala tayo kundi limang tinapay at dalawang isda; malibang kami'y magsiyaon at ibili ng pagkain ang lahat ng mga taong ito. Sapagka't sila'y may limang libong lalake. At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Paupuin ninyo sila ng pulupulutong, na may tiglilimangpu bawa't isa. At gayon ang ginawa nila, at pinaupo silang lahat. At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad upang ihain sa harap ng karamihan. At sila'y nagsikain, at nangabusog ang lahat: at ang lumabis sa kanila na mga pinagputolputol ay pinulot na labingdalawang bakol.