Isang araw tinipon ni Jesus ang 12 apostol at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng lahat ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga sakit. Pagkatapos, sinugo niya sila upang mangaral tungkol sa paghahari ng Dios at magpagaling ng mga may sakit. Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, bag, pagkain, pera o bihisan. Kapag tinanggap kayo sa isang bahay, doon kayo makituloy hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. At kung ayaw kayong tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa mga paa nʼyo bilang babala sa kanila.” Pagkatapos noon, umalis ang mga apostol at pumunta sa mga nayon. Nangaral sila ng Magandang Balita at nagpagaling ng mga may sakit kahit saan. Nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang mga ginagawa ni Jesus. Naguluhan siya dahil may mga nagsasabing muling nabuhay si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi namang siya si Elias na nagpakita ngayon. At may nagsasabi pang isa siya sa mga propeta noong unang panahon na muling nabuhay. Sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko ng ulo si Juan. Pero sino kaya itong nababalitaan ko? Marami akong kahanga-hangang bagay na narinig tungkol sa kanya.” Kaya pinagsikapan ni Herodes na makita si Jesus. Pagbalik ng mga apostol, ikinuwento nila kay Jesus ang lahat ng ginawa nila. Pagkatapos, isinama sila ni Jesus sa bayan ng Betsaida; wala na siyang isinamang iba. Pero nalaman pa rin ng mga tao kung saan sila pumunta at sinundan sila. Pagdating nila doon, tinanggap naman sila ni Jesus at nangaral siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling din niya ang mga may sakit. Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang 12 apostol at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa kanayunan at kabukiran na malapit para humanap ng matutuluyan at makakain, dahil nasa ilang na lugar po tayo.” Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “May limang tinapay lang po tayo at dalawang isda. Hindi ito kakasya, maliban na lang kung bibili kami ng pagkain para sa kanila.” (May 5,000 lalaki ang naroon.) Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Paupuin ninyo sila nang grupo-grupo na tig-50 bawat grupo.” At pinaupo nga nila ang lahat. Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya upang ipamigay sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket.
Basahin Lucas 9
Makinig sa Lucas 9
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Lucas 9:1-17
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas