At nangyari, nang siya'y nananalangin sa isang dako, nang siya'y matapos, ay sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Panginoon, turuan mo kaming manalangin, na gaya naman ni Juan na nagturo sa kaniyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila, Pagka kayo'y nagsisipanalangin, inyong sabihin, Ama, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Ibigay mo sa amin arawaraw ang aming pangarawaraw na kakanin. At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan; sapagka't aming pinatawad naman ang bawa't may utang sa amin. At huwag mo kaming ihatid sa tukso. At sinabi niya sa kanila, Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan, at paroroon sa kaniya sa hating gabi, at sa kaniya'y sasabihin, Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay; Sapagka't dumarating sa akin na galing sa paglalakbay ang isa kong kaibigan, at wala akong maihain sa kaniya; At siya na mula sa loob ay sasagot at sasabihin, Huwag mo akong bagabagin: nalalapat na ang pinto, at kasama ko sa hihigan ang aking mga anak; hindi ako makabangon at makapagbigay sa iyo? Sinasabi ko sa inyo, Kahit siya'y hindi bumangon, at magbigay sa kaniya, dahil sa siya'y kaibigan niya, gayon ma'y dahil sa kaniyang pagbagabag ay siya'y magbabangon at ibibigay gaano man ang kinakailangan niya. At sinasabi ko sa inyo, Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakakasumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan. Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan. At aling ama sa inyo, na kung humingi ang kaniyang anak ng isang tinapay, ay bibigyan niya siya ng isang bato? o ng isang isda kaya, at hindi isda ang ibibigay, kundi isang ahas? O kung siya'y humingi ng itlog, kaniyang bibigyan kaya siya ng alakdan?