Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Zefanias 3

3
Ang Kapahamakan at Katubusan ng Israel
1Mapapahamak ang mapaghimagsik na lunsod ng Jerusalem,
punung-puno ng mga makasalanan at ng mga pinunong mapang-api.
2Hindi ito sumusunod kay Yahweh
at ayaw tumanggap ng kanyang pagtutuwid.
Wala itong tiwala sa kanya,
at ayaw nitong lumapit sa Diyos upang humingi ng tulong.
3Ang kanyang mga pinuno ay parang mga leong umuungal;
ang mga hukom nama'y parang mga asong-gubat sa gabi,
na sa pagsapit ng umaga'y walang itinitira kahit na buto.
4Ang kanyang mga propeta ay di mapagkakatiwalaan at mapanganib;
ang kanyang mga pari ay lapastangan sa mga bagay na sagrado;
at binabaluktot ang kautusan para sa kanilang kapakinabangan.
5Ngunit nasa lunsod pa rin si Yahweh;
doo'y pawang tama ang kanyang ginawa
at kailanma'y hindi siya nagkakamali.
Araw-araw ay walang tigil niyang ipinapakita
ang kanyang katarungan sa kanyang bayan,
ngunit hindi pa rin nahihiya ang masasama sa paggawa ng kasalanan.
6“Nilipol ko na ang mga bansa;
winasak ko na ang kanilang mga tore at kuta.
Sinira ko na ang kanilang mga lansangan,
kaya't wala ni isa mang doo'y dumaraan.
Giba na ang mga lunsod nila,
wala nang naninirahan doon,” sabi ni Yahweh.
7Kaya't nasabi ko, “Tiyak na matatakot na siya sa akin,
tatanggap na siya ng aking pagtutuwid.
Hindi na niya ipagwawalang-bahala ang mga paalala ko.
Ngunit lalo pa siyang nasabik gumawa ng masama.”
8“Kaya't hintayin ninyo ako,” sabi ni Yahweh,
“hintayin ninyo ang araw ng aking pag-uusig.
Sapagkat ipinasya kong tipunin,
ang mga bansa at ang mga kaharian,
upang idarang sila sa init ng aking galit,
sa tindi ng aking poot;
at ang buong lupa ay matutupok sa apoy ng aking poot.
9“Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao,
at bibigyan ko sila ng dilang malinis,
upang sa kay Yahweh lamang manalangin at sumamba
at buong pagkakaisang maglingkod sa kanya.
10Mula sa kabilang panig ng mga ilog ng Etiopia,#10 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.
ang aking nangalat na bayan,
ay sasamba sa akin at magdadala ng kanilang handog.
11“Sa araw na iyon ay hindi na kayo mapapahiya
sa ginawa ninyong paghihimagsik sa akin,
sapagkat aalisin ko ang mga mapagmataas,
at hindi na kayo maghihimagsik sa aking banal na bundok.
12Iiwan ko roon
ang mga taong mapagpakumbabá;
lalapit sila sa akin upang magpatulong.
13Hindi#Pah. 14:5. na gagawa ng kasamaan ang mga nakaligtas sa Israel;
hindi na sila magsisinungaling ni mandaraya man.
Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag;
wala na silang katatakutan.”
Isang Awit ng Kagalakan
14Umawit ka nang malakas, Lunsod ng Zion! Sumigaw ka, Israel!
Magalak ka ng buong puso, Lunsod ng Jerusalem!
15Ang iyong kaparusahan ay inalis na ni Yahweh,
at pinalayas na niya ang iyong mga kaaway.
Nasa kalagitnaan mo si Yahweh, ang Hari ng Israel,
wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
16Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem,
“Huwag kang matakot, Zion;
huwag kang panghinaan ng loob.
17Nasa piling mo si Yahweh na iyong Diyos,
at ang kanyang kapangyarihan ang magbibigay sa iyo ng tagumpay.
Siya ay magagalak sa iyo
at ang pag-ibig niya ang magbibigay sa iyo ng bagong buhay.
Masaya siyang aawit sa laki ng kagalakan,
18gaya ng nagdiriwang sa isang kapistahan.
Ililigtas kita sa iyong kapahamakan,
upang huwag mo nang maranasan ang kahihiyan.
19Sa panahong iyon ay haharapin ko ang mga umapi sa iyo.
Titipunin ko ang mga itinakwil,
papalitan ko ng karangalan ang kanilang mga kahihiyan,
at gagawin ko silang tanyag sa buong daigdig.
20Sa panahong iyon, kayo'y aking titipunin at ibabalik sa inyong tahanan.
Gagawin ko kayong bantog sa buong daigdig,
at muli kong ibabalik ang inyong kayamanan at kasaganaan.”
Si Yahweh ang nagsabi nito.

Kasalukuyang Napili:

Zefanias 3: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in