Zacarias 14
14
Ang Jerusalem at ang Ibang Bansa
1Darating ang araw na pababayaan ni Yahweh na mapasok ang Jerusalem, at lahat ng masasamsam ay paghahati-hatian sa harapan ninyo. 2Pagkakaisahin ko ang mga bansa laban sa Jerusalem. Lulusubin nila ito, hahalughugin ang lahat ng bahay, at gagahasain ang mga babae. Ipapatapon ang kalahati sa mga taga-Jerusalem at iiwanan ang kalahati. 3Ngunit ang mga bansang iyon ay didigmain ni Yahweh tulad ng ginawa niya noong una. 4Sa araw na iyon, tatayo si Yahweh sa Bundok ng mga Olibo sa gawing silangan ng Jerusalem. Magkakaroon ng maluwang na libis sa gitna ng bundok, pagkat mahahati ito mula sa silangan hanggang kanluran: ang kalahati ay mapupunta sa hilaga at sa timog naman ang kalahati. 5Sa libis kayo daraan sa inyong pagtakas, tulad ng ginawa ng inyong mga ninuno nang lumindol sa Juda noong panahon ni Haring Uzias. At si Yahweh ay darating na kasama ang kanyang mga anghel.
6Sa panahong iyon, wala nang taglamig 7at hindi na didilim; mananatiling maliwanag kahit sa gabi. Si Yahweh lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari. 8Ang#Eze. 47:1; Jn. 7:38; Pah. 22:1. mga agos ng tubig buhat sa Jerusalem ay patuloy sa buong taon. Patungo sa Dagat na Patay ang kalahati at sa Dagat Mediteraneo naman ang kalahati. 9Ang daigdig ay pamamahalaan ni Yahweh; siya lamang at ang kanyang pangalan ang kikilalanin ng lahat.
10Ang buong lupain ay gagawing kapatagan mula sa Geba hanggang Rimon, sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas mula sa pintuan ng Benjamin, sa lugar ng dating pintuan, hanggang sa pintuan sa sulok, mula sa bantayan ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas sa hardin ng palasyo. 11Mapupuno#Pah. 22:3. ito ng mga mamamayan, at hindi na ito isusumpa pang muli. Ito'y paghaharian na ng kapayapaan.
12Ang mga lulusob sa Jerusalem ay padadalhan ni Yahweh ng kakila-kilabot na sakit; buháy pa sila ay mabubulok na ang kanilang laman, mata at dila. 13Paghaharian sila ng malaking kaguluhan, at sila-sila'y maglalaban. 14Lulusubin sila ng mga taga-Juda upang ipagtanggol ang Jerusalem at sasamsamin ang maiiwanan nilang kayamanang ginto, pilak at mga kasuotan. 15Padadalhan din niya ng salot ang kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, asno at iba pang mga hayop.
16Kapag#Lev. 23:39-43. nalupig na ang mga kaaway, lahat ng nakaligtas sa labanan at sa salot ay pupunta sa Jerusalem taun-taon upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Dakilang Hari, at makikisama sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. 17At alinmang bansang hindi sumasamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Hari, ay hindi makakaranas ng ulan. 18Kapag ang mga Egipcio ay di pumunta sa Jerusalem, padadalhan din sila ng salot tulad ng ipinadala sa mga bansang hindi nakiisa sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. 19Iyan ang ipaparusa sa Egipto at sa mga bansang hindi makikiisa sa pagdiriwang ng nasabing pista.
20Sa araw na iyon, ang mga kampanilyang palamuti sa mga kabayong pandigma ay susulatan ng ganito, “Itinalaga kay Yahweh.” Magiging sagrado ang lahat ng lutuan sa templo, tulad ng mga palanggana sa harap ng altar. 21Lahat ng lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging sagrado para kay Yahweh upang magamit sa lahat ng paghahandog. At mawawala na ang mga mangangalakal sa templo ni Yahweh.
Kasalukuyang Napili:
Zacarias 14: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society