Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ecclesiastico 28

28
1Ang mapaghiganti ay paghihigantihan din ng Panginoon,
pagkat natatandaan niya ang kasalanan ng bawat tao.
2Patawarin#Mt. 6:14; Mc. 11:25. mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang,
at kapag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman.
3Ang nagtatanim ng galit laban sa kapwa,
kapag tumawag sa Panginoon, walang kakamting awa.
4Kung hindi siya nahahabag sa kapwa,
paano niya ihihingi ng tawad ang kanyang mga kasalanan?
5Kung siya na tao lamang, ay nagkikimkim ng galit,
sinong magpapatawad sa kanyang mga kasalanan?
6Alalahanin mo ang iyong wakas at pawiin mo ang iyong galit.
Isipin mo ang kamatayan at maging tapat ka sa mga Kautusan.
7Tandaan mo ang Kautusan at huwag kang magalit sa kapwa;
alalahanin mo ang kasunduan ng Kataas-taasang Diyos at matuto kang magpatawad.
Ang Pagtatalo
8Iwasan mo ang pagtatalo nang hindi ka laging magkasala;
ang mainitin ang ulo ay laging napapaaway.
9Ang masamang tao'y naghahasik ng alitan,
pinag-aaway-away nito ang mga magkakaibigan.
10Ang pagliliyab ng apoy ay nasa dami ng gatong;
ang pag-init ng labanan ay nasa tindi ng pagkagalit.
Ang tindi ng pagkagalit ay nasa yaman ng bawat isa,
kung mayaman ang isang tao, lalong matindi ang galit niya.
11Ang padalus-dalos na usapa'y nauuwi sa mainitang pagtatalo;
ang biglang siklab na alita'y humahantong sa patayan.
12Hipan mo ang baga, iyo'y magniningas,
ngunit kung duraan mo, iyo'y mamamatay,
at alinman dito'y bibig mo ang may gawa.
Ang Dila
13Sumpain#Ecc. 51:2-6; San. 3:5-12. ang madaldal at ang mahabang-dila,
maraming nananahimik ang kanyang sinasalanta.
14Marami nang ipinahamak ang dilang mapanghimasok:#14 dilang mapanghimasok: Sa literal na Griego ay ikatlong dila.
Mga bansa'y napatapon sa iba't ibang lupain;
mga lunsod na may kuta ay nalupig ng kaaway; mga naghahari ay bumagsak nang tuluyan.
15Dahil pa rin sa dilang iyan ang matapat na maybahay ay napalayas sa tahanan,
at ang kanyang pinagpagura'y inagaw na walang awa.
16Ang sinumang nakikinig sa tsismis ay hindi magkakamit ng kapahingahan.
17Ang hampas ng latigo ay nakakalatay;
ang hagupit ng dila ay nakakabali ng buto.
18Mas marami ang namatay sa talas ng dila,
kaysa napahamak sa talim ng espada.
19Mapalad ang taong dito'y nakaiwas,
sa kalupitan nito'y lubhang nakaligtas.
Mapalad ang taong hindi nito nagapos,
at hindi nagpasan ng pamatok nito.
20Ang pamatok nito'y sintigas ng bakal,
ang tanikala'y mabigat na tanso.
21Ang kamatayang iginagawad nito'y kakila-kilabot,
higit na malupit kaysa libingan.
22Walang magagawa ang dilang malupit sa mga tunay na banal,
at hindi sila masusunog ng apoy nito.
23Ngunit ang mga tumatalikod sa Panginoon ay mahuhulog sa kapangyarihan niya,
matutupok sila magpakailanman sa kanyang ningas na di mapapawi.
Ang malupit na dila ay sasalakay na parang leon,
parang malupit na leopardo na lalapa sa kanila.
24-25Kung sinususian ang ginto mo't pilak upang hindi manakaw,
mga salita mo ay dapat timbangin at pakaingatan.
Kung pinalilibutan mo ang iyong ubasan ng bakod na tinik,
lagyan mo ng pinto't matibay na tarangka ang iyong bibig.
26Pakaingatan mong huwag magkamali nang dahil sa dila,
upang hindi mahulog sa kapangyarihan ng nakaabang na kaaway.

Kasalukuyang Napili:

Ecclesiastico 28: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya