Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ruth 1:8-22

Ruth 1:8-22 MBB05

Ngunit sa daa'y sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Umuwi na kayo sa dati ninyong tahanan, at manirahan sa inyong mga nanay. Kung paanong naging mabuti kayo sa mga yumao at sa akin, nawa'y maging mabuti rin sa inyo si Yahweh. Itulot nawa ni Yahweh na kayo'y makapag-asawang muli at magkaroon ng panibagong pamilya.” At sila'y hinagkan ni Naomi bilang pamamaalam. Ngunit napaiyak ang mga manugang at sinabi sa kanya, “Hindi namin kayo iiwan. Sasama kami sa inyong bayan.” Sumagot si Naomi, “Mga anak, huwag na kayong sumama sa akin. Bumalik na kayo sa inyong mga magulang. Hindi na ako magkakaanak pa upang inyong mapangasawa. Umuwi na kayo. Matanda na ako para mag-asawang muli. Kahit na umaasa akong makakapag-asawang muli, o kahit pa ngayong gabi ako mag-asawa't magkaanak, mahihintay ba ninyo silang lumaki? Alam ninyong ito'y hindi mangyayari. Kaya, mag-asawa na kayo ng iba. Pinabayaan ako ni Yahweh, at hindi ko nais na madamay kayo sa aking kasawian.” Pagkasabi nito'y lalo silang nag-iyakan. At hinagkan ni Orpa ang kanyang biyenan, at nagpaalam na. Ngunit nagpaiwan si Ruth. Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Ang bilas mo'y nagbalik na sa kanyang bayan at sa kanyang mga diyos. Umuwi ka na rin.” Sumagot si Ruth, “Huwag po ninyong hilinging iwanan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumunta, doon ako pupunta. Kung saan kayo tumira, doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos. Kung saan kayo mamatay, doon ako mamamatay, at doon din ako malilibing. Parusahan sana ako ni Yahweh ng pinakamabigat na parusa kung papayagan kong magkalayo tayo maliban na lamang kung paghiwalayin tayo ng kamatayan!” Nang matiyak ni Naomi na hindi talaga magbabago ang isip ni Ruth na sumama sa kanya, hindi na siya tumutol. Kaya't nagpatuloy sila ng paglalakbay. Pagdating nila sa Bethlehem, nagulat ang lahat. “Hindi ba't si Naomi ito?” tanong ng kababaihan. Sumagot naman si Naomi, “Huwag na ninyo akong tawaging Naomi. Tawagin ninyo akong Mara, sapagkat ako'y pinabayaang magdusa ng Makapangyarihang Diyos. Masagana ang buhay namin ni Elimelec nang umalis dito. Ngunit ibinalik ako ni Yahweh na walang anumang dala. Huwag na ninyo akong tawaging Naomi sapagkat ako'y binigyan ng Makapangyarihang Diyos ng matinding kasawian sa buhay!” Iyan ang nangyari kaya't mula sa Moab ay nagbalik si Naomi kasama si Ruth, ang manugang niyang Moabita. Nang dumating sila sa Bethlehem ay simula na ng anihan ng sebada.