Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Roma 2:17-29

Mga Taga-Roma 2:17-29 MBB05

Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos. Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at ang mabubuting bagay, sapagkat itinuro ito sa iyo ng Kautusan. Ang palagay mo'y tagaakay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan. Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, hindi ka ba nagnanakaw? Sinasabi mong huwag mangangalunya, hindi ka ba nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, ngunit pumapasok ka pa sa mga templo nito makapagnakaw lamang! Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan! Sapagkat nasusulat, “Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.” Mahalaga lamang ang iyong pagiging tuli kung tumutupad ka sa Kautusan, subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tinuli. Kung ang hindi tuli ay gumagawa batay sa panuntunan ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli? Kaya, ikaw na Judiong nasa ilalim ng Kautusan, ngunit hindi naman tumutupad, ay hahatulan ng mga hindi tuling tumutupad sa Kautusang iyan. Sapagkat ang isang tao ay hindi nagiging Judio dahil sa panlabas na kaanyuan o dahil sa siya ay tinuli sa laman. Ang tunay na Judio ay ang taong nabago sa puso't kalooban ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang taong iyon ay pararangalan ng Diyos at hindi ng tao.