Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 69

69
Panalangin Upang Tulungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.
1O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
2lumulubog ako sa burak at putik,
at sa malalaking along nagngangalit.
3Ako ay malat na sa aking pagtawag,
ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
sa paghihintay ko sa iyong paglingap.
4Silang#Awit 35:19; Jn. 15:25. napopoot nang walang dahilan,
higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
ang hangad sa akin ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
5Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.
6Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,
ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!
Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
7Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
napahiyang lubos sa kabiguan ko.
8Sa mga kapatid parang ako'y iba,
kasambahay ko na'y di pa ako kilala.
9Ang#Jn. 2:17; Ro. 15:3. malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10Nagpapakumbabá akong nag-ayuno,
at ako'y hinamak ng maraming tao;
11ang suot kong damit, na aking panluksa,
ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.
13Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
sa putik na ito't tubig na malalim;
sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15Huwag mong tulutang ako ay maanod,
o dalhin sa malalim at baka malunod;
hahantong sa libing, ako pagkatapos.
16Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
sagipin mo ako sa mga kaaway.
19Kinukutya ako, iya'y iyong alam,
sinisiraang-puri't nilalapastangan;
di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
20Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,
kaya naman ako'y wala nang magawâ;
ang inasahan kong awa ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong abâ.
21Sa#Mt. 27:48; Mc. 15:36; Lu. 23:26; Jn. 19:28-29. halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.
22O#Ro. 11:9-10. bumagsak sana sila at masira,
habang nagdiriwang sila't naghahanda.
23Bulagin mo sila't nang di makakita,
papanghinain mo ang katawan nila.
24Ibuhos ang iyong galit sa kanila,
bayaan mong ito'y kanilang madama.
25Mga#Gw. 1:20. kampo nila sana ay iwanan,
at walang matira na isa mang buháy.
26Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila;
pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.
27Itala mong lahat ang kanilang sala,
sa mangaliligtas, huwag silang isama.
28Sa#Exo. 32:32; Pah. 3:5; 13:8; 17:8. aklat ng buhay, burahin ang ngalan,
at huwag mong isama sa iyong talaan.
29Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!
30Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko't pasasalamatan.
31Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32Kung makita ito nitong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
34Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata't naroong nilikha!
35Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36Magmamana nito'y yaong lahi nila,
may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.

Kasalukuyang Napili:

Mga Awit 69: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in