Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 109:6-31

Mga Awit 109:6-31 MBB05

Ang itapat mo sa kanya'y masama ring tulad niya, kaaway ang pausigin, nang magtamo ng parusa, pagkatapos na malitis, bayaan mo na magdusa, kahit siya manalangin, huwag mo nang dinggin pa. Ang dapat ay paikliin tinataglay niyang buhay, kuhanin ng ibang tao maging kanyang katungkulan. Silang mga anak niya ay dapat na maulila, hayaan mong maging biyuda, itong giliw nilang ina. Bayaan ang mga supling, maglakad at mamalimos, sa nawasak na tahanan palayasin silang lubos. Ang lahat ng yaman niya'y ilitin ng nagpautang, agawin ng ibang tao, ang bunga ng pagpapagal. Hindi siya nararapat kahabagan nino pa man, kahit anak na ulila sa hirap ay pabayaan. Pati angkan niya't lahi, ay bayaang mamatay, sa sunod na lahi niya, ngalan niya ay maparam. Gunitain sana ni Yahweh ang sala ng kanyang angkan, at ang sala nitong ina ay di dapat malimutan. Huwag din sanang malimutan ni Yahweh ang sala nila, ngunit sila naman mismo ay dapat na malimot na! Pagkat mga taong iyo'y wala namang natulungan, bagkus pa ang mahirap inuusig, pinapatay. Mahilig sa pagsumpa, kaya dapat na sumpain, yamang ayaw na magpala, di dapat pagpalain. Ang pagsumpa sa kapwa sa kanya ay parang damit, kasuotang oras-oras nagagawa ang magbihis; sana'y siya ang ginawin, katulad ng nasa tubig tumagos sa buto niya, iyong sumpang parang langis. Sana'y maging kasuotang nakabalot sa katawan, na katulad ng sinturong nakabigkis araw-araw. Ang ganitong kaaway ko, Yahweh, iyong parusahan, sa dami ng ginagawa't sinasabing kasamaan. Katulad ng pangako mo, Yahweh, ako ay tulungan, yamang ika'y mapagmahal, ako'y ipagtanggol naman. Pagkat ako ay mahirap, laging nangangailangan, labis akong naghihirap sa ganitong kalagayan. Anino ang katulad ko na kung gabi'y nawawala, parang balang na lumipad, kapag ako ay inuga. Mahina na ang tuhod ko, dahilan sa di pagkain, payat na ang katawan ko, buto't balat sa paningin. Ang sinumang makakita sa akin ay nagtatawa, umiiling silang lahat kapag ako'y nakikita. Tulungan mo ako, Yahweh, sana naman ay iligtas, dahilan sa pag-ibig mong matatag at di kukupas. Bayaan mong makilala na ikaw ang nahahabag, ipakita sa kaaway na ikaw ang nagliligtas. Ako'y iyong pagpalain, kung kanilang sinusumpa, sa kanilang pag-uusig bayaan mong mapahiya; ako namang iyong lingkod mabubuhay na may tuwa. Silang mga nang-uusig, bayaan mong mabahala, ang damit ng kahihiyan, isuot mo sa kanila. Kay Yahweh ay buong puso akong magpapasalamat, sa gitna ng karamiha'y magpupuri akong ganap; pagkat siya'y laging handang tumulong sa mahihirap, na lagi nang inuusig at ang gusto'y ipahamak.