Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 103:6-22

Mga Awit 103:6-22 MBB05

Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan; natatamo ng inapi ang kanilang karapatan. Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin; ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel. Si Yahweh ay mahabagi't mapagmahal, hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig. Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim; yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim. Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa, hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala. Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya, gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya. Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran, gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan. Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya, gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya. Alam niya na alabok, itong ating pinagmulan, at sa alabok din naman ang ating kahahantungan. Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad, sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak; nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan, nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan. Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal; ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan. At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan, at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan. Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan; mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan. O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos, kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod! Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan, kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman. O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang, sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal; O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!