Ang PANGINOON ay matuwid ang paghatol; binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi. Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan, at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan. Ang PANGINOON ay mahabagin at matulungin, hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal. Hindi siya palaging nanunumbat, at hindi nananatiling galit. Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan. Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang. Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa, ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya. Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran, ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan. Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak, ganoon din ang pagkahabag ng PANGINOON sa mga may takot sa kanya. Dahil alam niya ang ating kahinaan, alam niyang nilikha tayo mula sa lupa. Ang buhay ng tao ay tulad ng damo. Tulad ng bulaklak sa parang, itoʼy lumalago. At kapag umiihip ang hangin, itoʼy nawawala at hindi na nakikita. Ngunit ang pag-ibig ng PANGINOON ay walang hanggan sa mga may takot sa kanya, sa mga tumutupad ng kanyang kasunduan, at sa mga sumusunod sa kanyang mga utos. At ang kanyang katuwirang ginagawa ay magpapatuloy sa kanilang mga angkan. Itinatag ng PANGINOON ang kanyang trono sa kalangitan, at siyaʼy naghahari sa lahat. Purihin ninyo ang PANGINOON, kayong makapangyarihan niyang mga anghel na nakikinig at sumusunod sa kanyang mga salita. Purihin ninyo ang PANGINOON, kayong lahat na mga nilalang niya sa langit na naglilingkod sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban. Purihin ninyo ang PANGINOON, kayong lahat na mga nilalang niya sa lahat ng dako na kanyang pinaghaharian.
Basahin Salmo 103
Makinig sa Salmo 103
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Salmo 103:6-22
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas