Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 1:20-33

Mga Kawikaan 1:20-33 MBB05

Karununga'y umaalingawngaw sa mataong lansangan, tinig niya'y nangingibabaw sa lugar ng pamilihan. Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog, ang ugong niya'y naririnig sa pintuan nitong lunsod: “Taong mangmang, walang hustong kaalaman, hanggang kailan ka tatagal sa abâ mong kalagayan? Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kamangmangan? Kailan mo pa iisiping maghanap ng kaalaman? Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral; sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman. Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo, ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko. Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo, ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo. Dahil dito, kayo'y aking tatawanan, kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan. Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay, dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan, at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati, sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan. Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan. Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan, kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang. Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo, itinapong parang dumi itong paalala ko. Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa, at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama. Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang, sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman. Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay, mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Kawikaan 1:20-33