Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 10:1-12

Marcos 10:1-12 MBB05

Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng dati, sila'y kanyang tinuruan. May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya't lumapit sila at nagtanong, “Naaayon po ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ang kanyang asawa.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang na niya ang tao na lalaki at babae. ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa at ang dalawa'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.” Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. Gayon din naman, ang babaing magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”