Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 10:1-12

Marcos 10:1-12 ASD

Umalis si Hesus sa Capernaum at pumunta sa lalawigan ng Judea, at saka tumawid sa Ilog Jordan. Pinuntahan siya roon ng maraming tao, at tulad ng kanyang nakagawian ay nangaral siya sa kanila. Samantala, may mga Pariseong pumunta sa kanya at nagtanong para subukin siya. Sinabi nila, “Ipinapahintulot ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tinanong din sila ni Hesus, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?” Sumagot ang mga Pariseo, “Ipinahintulot ni Moises na gumawa ang isang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at pagkatapos ay puwede na niyang hiwalayan ang kanyang asawa.” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Ibinigay ni Moises sa inyo ang kautusang iyan dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit sa simula pa, nang likhain ng Diyos ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae.’ ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Diyos.” Pagbalik nila sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol dito. Sinabi niya sa kanila, “Kung hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at nag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang unang asawa. At kung hiniwalayan ng isang babae ang kanyang asawa at nag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”