Marcos 1
1
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo
(Mt. 3:1-12; Lu. 3:1-18; Jn. 1:19-28)
1Ito ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos.#1 ang Anak ng Diyos: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
2Nagsimula#Mal. 3:1. ito noong matupad ang isinulat ni propeta Isaias,
“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo;
ihahanda niya ang iyong daraanan.
3Ito#Isa. 40:3 (LXX). ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”
4At dumating nga sa ilang si Juan, na nagbabautismo at nangangaral.#4 At dumating nga sa ilang si Juan, na nagbabautismo at nangangaral: Sa ibang manuskrito'y At dumating sa ilang si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral. Sinabi niya sa mga tao, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at pabautismo kayo, upang kayo'y patawarin ng Diyos.” 5Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.
6Hinabing#2 Ha. 1:8. balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. 7Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas.#7 Ni hindi…ng kanyang sandalyas: o kaya'y Ni hindi man lamang ako karapat-dapat na maging kanyang alipin. 8Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Ang Pagbautismo kay Jesus
(Mt. 3:13–4:11; Lu. 3:21-22)
9Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. 10Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. 11Narinig#Gen. 22:2; Awit 2:7; Isa. 42:1; Mt. 3:17; 12:18; Mc. 9:7; Lu. 3:22. niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Pagtukso kay Jesus
(Mt. 4:1-11; Lu. 4:1-13)
12Pagkatapos, sa kapangyarihan ng Espiritu, si Jesus ay pumunta sa ilang. 13Nanatili siya roon nang apatnapung araw, at doo'y tinukso siya ni Satanas.#13 Nanatili siya…Satanas: o kaya'y Nanatili siya roon nang apatnapung araw habang siya'y tinutukso ni Satanas. Doon ay may mababangis na hayop ngunit si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel.
Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea
(Mt. 4:12-17; Lu. 4:14-15)
14Nang ibinilanggo na si Juan, si Jesus ay nagpunta sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15Sinabi#Mt. 3:2. niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos!#15 Malapit nang maghari ang Diyos!: o kaya'y Naghahari na ang Diyos. Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!”
Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda
(Mt. 4:18-22; Lu. 5:1-11)
16Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” 18Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.
Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu
(Lu. 4:31-37)
21Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22Namangha#Mt. 7:28-29. ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
23Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, 24“Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita, ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”
25Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”
26Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. 27Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”
28Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.
Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao
(Mt. 8:14-17; Lu. 4:38-41)
29Mula sa sinagoga, si Jesus, kasama sina Santiago at Juan, ay nagtuloy agad sa bahay nina Simon at Andres. 30Noon ay nakahigang nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. 31Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.
32Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. 33Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.
Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea
(Lu. 4:42-44)
35Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa. 36Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at 37nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.”
38Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.”#38 Ito ang dahilan ng pagparito ko: o kaya'y Ito ang dahilan ng aking pag-alis sa Capernaum.
39Nilibot#Mt. 4:23; 9:35. nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin
(Mt. 8:1-4; Lu. 5:12-16)
40Isang taong may ketong#40 ketong: Ang salitang ito ay tumutukoy sa maraming uri ng sakit sa balat. ang lumapit kay Jesus, lumuhod ito#40 lumuhod ito: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito. at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”
41Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Oo, nais ko! Gumaling ka!” 42Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. 43Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus 44at#Lev. 14:1-32. pinagsabihan ng ganito: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na.”
45Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa labas ng bayan subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.
Kasalukuyang Napili:
Marcos 1: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society