Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 4:1-20

Lucas 4:1-20 MBB05

Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang sa loob ng apatnapung araw, at doon siya'y tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito.” Ngunit sinagot ito ni Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay.’ Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa ilang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. Sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang pamamahala sa lahat ng kahariang ito at ang kadakilaan nito. Ipinagkaloob ito sa akin, at maibibigay ko sa kaninumang naisin ko. Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging sa iyo na ang lahat ng ito.” Sumagot si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’” Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka dahil nasusulat, ‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, sila'y uutusan upang ikaw ay ingatan,’ at ‘Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.’” Subalit sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos!’” Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon. Bumalik sa Galilea si Jesus na sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinahangaan naman siya ng lahat. Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa, at doo'y ibinigay sa kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.” Inirolyo niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga