Umalis si Jesus sa Jordan na puspos ng Banal na Espiritu. At dinala siya ng Espiritu sa ilang. Doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng 40 araw. Hindi siya kumain sa buong panahong iyon, kaya gutom na gutom siya. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang batong ito.” Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao.’ ”
Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa isang iglap ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian ng mundo. At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at karangyaan ng mga kahariang ito, dahil ipinagkatiwala sa akin ang mga iyan at maibibigay ko sa kanino mang gusto ko. Kaya kung sasambahin mo ako, mapapasaiyo ang lahat ng iyan.” Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’ ”
Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, sa pinakamataas na bahagi ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, magpatihulog ka. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. Aalalayan ka nila upang hindi tumama ang mga paa mo sa bato.’ ” Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”
Matapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, iniwan siya nito at naghintay ng ibang pagkakataon.
Bumalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kumalat sa lahat ng lugar doon ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa mga sambahan ng mga Judio, at pinuri siya ng lahat.
Umuwi si Jesus sa Nazaret, sa bayang kinalakihan niya. At katulad ng nakaugalian niya, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng Kasulatan. Ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito at pagkakita sa bahagi ng Kasulatan na kanyang hinahanap, binasa niya ito na nagsasabing:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
dahil pinili niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Magandang Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na malaya na sila,
at sa mga bulag na makakakita na sila.
Sinugo rin niya ako upang palayain ang mga inaapi,
at ipahayag na dumating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”
Pagkatapos, ibinilot ni Jesus ang Kasulatan at isinauli sa tagapag-ingat nito. Umupo siya para magsimulang mangaral. Nakatingin sa kanya ang lahat ng naroon.