Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 3:1-31

Lucas 3:1-31 MBB05

Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, kaya't nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya'y nangaral, “Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Sa gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias, “Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran! Matatambakan ang bawat libis, at mapapatag ang bawat burol at bundok. Matutuwid ang daang liku-liko, at mapapatag ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!’” Marami ngang tao ang nagsilapit kay Juan upang magpabautismo. Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa kaparusahang darating? Ipakita ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi na kayo, at huwag ninyong idahilan na mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham. Ngayon pa ma'y nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.” Tinanong siya ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?” Sumagot siya sa kanila, “Kung mayroon kang dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Ganyan din ang gawin ng may pagkain.” Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila'y nagtanong sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin,” tugon niya. Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di makatuwiran; masiyahan na kayo sa inyong sweldo,” sagot niya. Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.” Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita. Si Herodes man na pinuno ng Galilea ay pinagsabihan din ni Juan dahil kinakasama niya ang kanyang hipag na si Herodias at dahil sa iba pang kasamaang ginagawa nito. Dahil dito'y ipinabilanggo ni Herodes si Juan, at ito'y nadagdag pa sa mga kasalanan ni Herodes. Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit at bumabâ sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Isang tinig mula sa langit ang narinig nila, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.” Magtatatlumpung taon na si Jesus nang siya'y magsimulang magministeryo. Ipinapalagay ng mga tao na siya'y anak ni Jose. Ang kanyang mga ninuno ay sina Eli, Matat, Levi, Melqui, Janai, Jose, Matatias, Amos, Nahum, Esli, Nagai, Maat, Matatias, Semei, Josec, Joda, Joanan, Resa, Zerubabel. Sina Salatiel, Neri, Melqui, Adi, Cosam, Elmadam, Er, Josue, Eliezer, Jorim, Matat, Levi, Simeon, Juda, Jose, Jonam, Eliaquim, Melea, Menna, Matata, Natan.