Noong ika-15 taon ng paghahari ni Emperador Tiberio, si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, at si Herodes ang pinuno ng Galilea. Ang kapatid naman niyang si Felipe ang pinuno ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang pinuno ng Abilene. Mga punong pari noon sina Anas at Caifas. Sa panahong ito, nangusap ang Diyos kay Juan na anak ni Zacarias doon sa ilang. Kayaʼt nilibot niya ang mga lugar sa paligid ng Ilog Jordan para mangaral. Ipinahayag niya na kailangang pagsisihan at talikuran ng mga tao ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Sa gayon, natupad ang isinulat ni Propeta Isaias,
“May sumisigaw sa ilang na nagsasabi,
‘Ihanda ninyo ang daan
para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang landas
na kanyang lalakaran.
Tatambakan ang mabababang lugar,
at papatagin ang mga bundok at burol.
Itutuwid ang liku-likong daan,
at aayusin ang mga baku-bakong landas.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.’ ”
Maraming tao ang pumunta kay Juan para magpabautismo. Sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino namang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Diyos? Kung totoong nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo sa inyong mga gawa. Huwag ninyong sabihin na dahil ninuno ninyo si Abraham ay hindi kayo mapaparusahan. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: Makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham kahit sa mga batong ito. Ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol na puputol sa ugat ng mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuti ay puputulin at itatapon sa apoy.”
Tinanong ng mga tao si Juan, “Ano ngayon ang dapat naming gawin?”
Sumagot siya, “Kung mayroon kayong dalawang damit, ibigay ninyo ang isa sa taong walang damit. At kung may pagkain kayo, magbigay kayo sa mga walang makain.”
May mga dumating din na maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sabi nila, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?”
Sumagot si Juan, “Huwag kayong maningil nang higit sa inutos sa inyo!”
May mga sundalo ring nagtanong sa kanya, “Kami naman po, ano ang dapat naming gawin?”
Sumagot siya, “Huwag kayong mangingikil kaninuman o magpaparatang ng hindi totoo para lang magkapera. Makontento kayo sa mga sahod ninyo!”
Nang marinig ito ng mga tao, lalo silang nanabik sa pagdating ng Mesias at inisip nila na baka si Juan na nga ang hinihintay nila. Ngunit sinabi ni Juan sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit may isang darating na mas makapangyarihan kaysa sa akin. Kahit magkalag ng tali ng kanyang sandalyas ay hindi ako karapat-dapat. Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. Tulad siya ng isang taong nagtatahip para ihiwalay ang ipa sa butil ng trigo. Titipunin niya ang mga butil sa kamalig, pero ang ipa ay susunugin niya sa apoy na kailanmaʼy hindi mamamatay.” Marami pang mga ipinangaral si Juan sa pagpapahayag niya ng Magandang Balita.
Ang pinunong si Herodes ay tinuligsa niya, dahil inagaw niya si Herodias na asawa ng kanyang kapatid, at gumawa pa siya ng iba pang mga kasamaan. At dinagdagan pa ni Herodes ang kanyang mga kasalanan nang ipabilanggo niya si Juan. At dinagdagan pa ni Herodes ang kanyang mga kasalanan nang ipabilanggo niya si Juan.
Isang araw, nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, nagpabautismo rin si Hesus. At habang nananalangin si Hesus, bumukas ang langit, at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Mga tatlumpung taóng gulang na si Hesus nang magsimula siya sa kanyang gawain. Ayon sa pagkakaalam ng mga tao, anak siya ni Jose na anak ni Eli.
Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi.
Si Levi ay anak ni Melqui, na anak ni Janai.
Si Janai ay anak ni Jose, na anak ni Matatias.
Si Matatias ay anak ni Amos, na anak ni Nahum.
Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nagai.
Si Nagai ay anak ni Maat, na anak ni Matatias.
Si Matatias ay anak ni Semein, na anak ni Josec.
Si Josec ay anak ni Joda, na anak ni Joanan.
Si Joanan ay anak ni Resa, na anak ni Zerubabel.
Si Zerubabel ay anak ni Salatiel, na anak ni Neri.