Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Levitico 25

25
Ang Taon ng Pamamahinga
(Deut. 15:1-11)
1Sinabi#Exo. 23:10-11. pa ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa Bundok ng Sinai, 2“Sabihin mo sa mga Israelita na pagpasok nila sa lupaing ibinigay ko sa inyo, pati ang lupain ay pagpapahingahin tuwing ikapitong taon upang parangalan si Yahweh. 3Anim na taon ninyong tatamnan ang inyong bukirin at aalagaan ang mga ubasan. 4Ang ikapitong taon ay taon ng lubos na pamamahinga ng lupain, isang taóng nakatalaga para kay Yahweh. Huwag ninyong tatamnan sa taóng iyon ang inyong bukirin 5at huwag pipitasan ang mga punong ubas na hindi naalagaan. 6Ang lahat ng maaani roon ay para sa lahat: sa inyo, sa inyong mga alipin, sa mga bayarang manggagawa, sa mga dayuhan, 7sa inyong mga kawan at iba pang mga hayop.
Ang Taon ng Paglaya
8“Bibilang kayo ng pitong tigpipitong taon, bale apatnapu't siyam na taon. 9Pagkalipas nito, sa ikasampung araw ng ikapitong buwan na siyang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan, hihipan nang malakas ang trumpeta sa buong lupain. 10Sa ganitong paraan, itatangi ninyo ang ikalimampung taon; ipahahayag ninyong malaya ang lahat sa buong lupain. Ito ay inyong Taon ng Paglaya; ang alipin ay babalik sa kanyang sariling tahanan at ang lupaing naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 11Sa buong taóng iyon, huwag kayong magtatanim sa inyong bukirin. Huwag din ninyong aanihin ang bunga ng mga punong ubas na hindi naalagaan. 12Sapagkat ito'y taon ng pagdiriwang at ito ay sagrado para sa inyo. Ang inyong kakainin ay ang mga halaman na kusang tumubo sa bukid.
13“Sa taóng iyon, ang lahat ng ari-ariang naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 14Kaya't kung magbebenta kayo o bibili sa inyong kapwa, huwag kayong mandaraya. 15Magbabayad kayo ayon sa dami ng taon mula sa huling taon ng paglaya, at magbebenta naman ayon sa dami ng taon ng pamumunga bago dumating ang kasunod na Taon ng Paglaya. 16Kung matagal pa, mataas ang halaga; kung iilang taon na lamang, mas mababa ang halaga sapagkat ang batayan ay ang dami ng maaani sa lupa. 17Huwag kayong magdadayaan; sa halip ay matakot kayo sa akin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
18“Kaya iingatan ninyo ang mga tuntunin at inyong tutuparin ang aking mga utos, upang kayo'y manatiling matatag sa lupaing pupuntahan ninyo. 19Sa gayon, mag-aani kayo nang sagana; hindi kayo magugutom at magiging tiwasay ang pamumuhay ninyo sa lupaing iyon. 20Huwag kayong mag-alala sa kakainin ninyo sa ikapitong taon kung hindi kayo magtatanim. 21Pasasaganain ko ang inyong ani tuwing ikaanim na taon, at magiging sapat iyon para sa tatlong taon. 22Kayo'y magtatanim na sa ikawalong taon ngunit ang dati pa rin ninyong inani ang kakainin ninyo hanggang sa anihan ng ikasiyam na taon.
Paglaya ng Ari-arian
23“Hindi ninyo maipagbibili nang lubusan ang lupain sapagkat iyon ay akin; pinatitirhan ko lamang sa inyo iyon. 24Kaya, maipagbili man ang alinmang bahagi ng inyong lupain, iyon ay maaaring tubusin ng dating may-ari.
25“Kung sa inyo'y may maghirap at mapilitang magbenta ng kanyang ari-arian, iyon ay dapat tubusin agad ng pinakamalapit niyang kamag-anak. 26Kung wala siyang kamag-anak na makakatubos niyon, siya na rin ang tutubos kapag umunlad uli ang kanyang kabuhayan. 27Ibabalik niya sa bumili ang katumbas na halaga ng nalalabing taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa gayon, maibabalik sa kanya ang kanyang ari-arian. 28Ngunit kung wala pa siyang sapat na pantubos, mananatili iyon sa bumili hanggang sa Taon ng Paglaya, at sa taóng iyon, ang ari-arian niya'y ibabalik sa kanya nang walang bayad.
29“Kung may magbenta ng kanyang bahay na nasa loob ng lunsod na napapaderan, matutubos niya iyon sa loob ng isang taon. 30Kung hindi niya matubos iyon sa loob ng isang taon, ang bahay ay magiging lubos nang pag-aari ng nakabili kahit sumapit pa ang Taon ng Paglaya. 31Ang mga ipinagbiling bahay sa labas ng lunsod na napapaderan ay tulad ng lupang ipinagbili na maaaring matubos o kaya'y maisauli pagdating ng Taon ng Paglaya. 32Ngunit ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita, na kanilang ipinagbili ay maaari nilang tubusin kahit kailan. 33Kung ayaw gamitin ng isang Levita ang karapatang ito, maibabalik iyon sa kanya pagdating ng Taon ng Paglaya kung ito'y nasa kanyang lunsod. Sapagkat ang mga gusaling tulad nito, ay lubos na pag-aari ng mga Levita, bilang kanilang bahagi sa bansang Israel. 34Ngunit ang mga pastulan sa palibot ng kanilang mga lunsod ay hindi maaaring ipagbili, sapagkat iyo'y pag-aari nila magpakailanman.
Pagpapautang sa Mahihirap
35“Kung#Deut. 15:7-8. ang isang kababayan ninyo ay naghirap at hindi na niya kayang buhayin ang sarili, kupkupin ninyo siya tulad ng isang dayuhang nakikipamayan sa inyo. 36Huwag ninyo siyang patutubuan kung siya'y mangutang sa inyo. Matakot kayo sa Diyos, at hayaan ninyo itong mabuhay na kasama ninyo. 37Huwag#Exo. 22:25; Deut. 23:19-20. ninyong patutubuan ang pera o pagkaing inutang niya sa inyo. 38Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa Egipto upang ibigay sa inyo ang Canaan at upang maging Diyos ninyo.
Paglaya ng mga Alipin
39“Kung#Exo. 21:2-6; Deut. 15:12-18. dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili sa inyo ang kanyang sarili, huwag ninyo siyang ituturing na alipin. 40Ituring ninyo siyang katulong o dayuhang upahan, at maglilingkod siya sa inyo hanggang sumapit ang Taon ng Paglaya. 41Pagdating ng panahong iyon, palalayain ninyo siya pati ang kanyang mga anak upang bumalik sa kanyang pamilya at ari-arian. 42Akong si Yahweh ang naglabas sa kanila sa Egipto; hindi sila dapat ipagbili upang maging alipin. 43Huwag ninyo silang pagmamalupitan; matakot kayo sa Diyos. 44Kung kailangan ninyo ng aliping lalaki o babae, doon kayo bumili sa mga bansa sa inyong paligid. 45Maaari ninyong bilhin bilang alipin ang mga anak ng mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 46Maaari ninyo silang ipamigay sa inyong mga anak at maaari rin ninyo silang gawing alipin, ngunit huwag ninyong aalipinin o pagmamalupitan ang kapwa ninyo Israelita.
47“Kung dahil sa labis na kahirapan at mapilitan ang isang Israelita na ipagbili ang kanyang sarili sa isang dayuhang mayaman, 48siya ay may karapatang lumaya. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, 49amain, pinsan, kamag-anak o siya mismo kung kaya na niya. 50Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay kukuwentahin mula nang bilhin siya hanggang sa Taon ng Paglaya, at ang itutubos sa kanya ay katumbas ng sweldo ng isang manggagawa. 51Kung matagal pa ang Taon ng Paglaya, malaki ang pagbabayaran ng tutubos. 52Ngunit maliit lamang kung malapit na ang panahong iyon, sapagkat ang itutubos sa kanya ay batay sa dami ng taon na dapat pa niyang ipaglingkod. 53Ituturing siyang bayarang manggagawa sa panahon ng kanyang paglilingkod ngunit hindi siya maaaring pagmalupitan. 54Kung hindi siya matubos sa mga paraang nabanggit, siya at ang mga anak niya ay palalayain pagsapit ng Taon ng Paglaya, 55sapagkat alipin ko ang mga Israelita, at ako ang nagpalaya sa kanila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo.

Kasalukuyang Napili:

Levitico 25: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in