Job 41
41
1“Mahuhuli#Awit 74:14; 104:26; Isa. 27:1. mo ba ang Leviatan#1 LEVIATAN: Isang mala-alamat na dambuhalang halimaw sa karagatan na sumisimbolo sa kaguluhan at kasamaan. sa pamamagitan ng pamingwit?
Maitatali mo ba ang dila nito sa pamamagitan ng lubid?
2Matatalian mo kaya ng lubid ang ilong nito?
Tatagusan kaya ng kawit ang mga panga nito?
3Siya kaya ay lumapit at lumuhod sa harap mo,
magsalita nang malumanay at magmakaawa sa iyo?
4Siya kaya'y makiusap at ikaw ay pangakuan,
na sa habang buhay ikaw ay paglingkuran?
5Siya kaya'y parang ibong tatalian at lalaruin
upang mga babaing lingkod mo ay aliwin?
6Tawaran kaya siya ng mga mamimili,
paghatian kaya siya upang maipagbili?
7Tablan kaya ang makapal niyang balat,
sa ulo kaya niya'y tumagos ang matulis na sibat?
8Hawakan mo siya kahit na minsan lang,
hindi mo na uulitin dahil sa inyong paglalaban.
9“Ang sinumang sa kanya'y makakakita,
sa lupa'y mabubuwal, nawawalan ng pag-asa.
10Kapag siya'y ginambala, ubod siya ng bagsik.
Sa kanyang harapa'y walang nangangahas lumapit.
11Sinong lulusob sa kanya at hindi mamamatay?
Walang makakagawa nito sa buong sanlibutan.
12“Ang kanyang mga binti ay malaki at matatag,
at walang kaparis ang taglay nitong lakas.
13Sino ang makakapag-alis sa panlabas niyang kasuotan?
May sandata na bang nakatusok sa balat niyang makapal?
14Sa bibig niya'y sino kaya ang maaaring magbuka?
Nakakatakot na mga ngipin nakahanay sa bunganga niya.
15Maraming kalasag, nakahanay sa kanyang likod;
sintigas ng bato at nakalagay nang maayos.
16-17Masinsin ang pagkaayos, ito'y dikit-dikit,
walang pagitan, ni hangin ay di makasingit.
18Kung siya ay bumahin, ang ilong ay nag-aapoy,
mata niya'y mapula parang araw sa dapit-hapon.
19Mula sa bibig niya'y may apoy na lumalabas,
mga baga ng apoy ang doo'y sumisiklab.
20Sa ilong niya'y nanggagaling ang makapal na usok,
parang usok na nagmumula sa kumukulong palayok at damong sinusunog.
21Hininga niya'y nagbabaga, sa init ay nag-aalab;
naglalagablab na apoy sa bibig niya'y nagbubuhat.
22Ang kanyang leeg nama'y puno ng kalakasan,
sinumang makakita sa kanya'y kinikilabutan.
23Walang mahinang bahagi sa kanyang balat,
tulad ng bakal, matigas at makunat.
24Ang tigas ng kanyang puso, bato ang katulad,
gaya ng batong gilingan sa tibay at tatag.
25Kapag siya ay tumayo masisindak rin ang pinakamalakas,
wala silang magawâ, at sa takot ay tumatakas.
26Pagkat siya'y di tatablan kahit na ng tabak,
maging ng palaso, ng punyal o ng sibat.
27Sa kanya ang bakal ay parang dayaming marupok,
ang katulad nitong tanso ay kahoy na nabubulok.
28Sa palaso'y hindi siya maaaring mapatakbo,
sa kanya'y parang dayami ang tirador at ang bato.
29Kahoy na panghampas sa kanya'y para lamang patpat,
tumatawa lamang siya kapag siya'y sinisibat.
30Kaliskis ng kanyang tiyan ay napakatalas,
at sa putik na daanan, nag-iiwan ng mga bakas.
31Kaya niyang pakuluin ang malalim na tubig,
hinahalo niya ang dagat na parang palayok ng langis.
32Ang kanyang madaana'y kumikislap sa liwanag,
ang akala mo sa tubig, puting buhok ang katulad.
33Dito sa daigdig ay wala siyang katulad,
pagkat siya'y walang takot, hindi nasisindak.
34Sa lahat ng mga hayop ay mababa ang tingin niya,
at sa kanilang lahat ang naghahari ay siya.”
Kasalukuyang Napili:
Job 41: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society