Job 23
23
Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan
1Ito naman ang sagot ni Job:
2“Hanggang ngayon ay masama pa itong aking loob,
bagama't ako'y nananangis, pinaparusahan pa rin ng Diyos.
3Kung alam ko lamang kung saan siya matatagpuan,
pupuntahan ko siya sa kanyang kinaroroonan.
4Ihaharap ko sa kanya ang aking kalagayan
at ilalahad kong lahat ang aking katuwiran.
5Gusto kong malaman ang isasagot niya sa akin;
nais kong maunawaan ang kanyang sasabihin.
6Gagamitin kaya sa akin ang lahat niyang kapangyarihan?
Hindi! Sa halip, hinaing ko'y kanyang papakinggan.
7Sapagkat ako'y taong matuwid na haharap sa kanya,
kanyang ipahahayag na ako'y walang sala.
8“Sa dakong silangan, hindi ko siya natagpuan;
hindi ko rin siya nakita sa gawing kanluran.
9Di ko rin siya nakita sa dakong hilaga,
at sa bandang timog, ni bakas ay wala.
10Ngunit alam ng Diyos ang aking bawat hakbang;
kapag sinubok niya, lalabas ang kadalisayan.
11Pagkat landas niya'y aking nilakaran,
hindi ako lumihis sa ibang daanan.
12Ako'y hindi lumalabag sa kanyang kautusan,
at ang kanyang mga salita ay aking iniingatan.
13“Hindi siya nagbabago at di kayang salungatin,
walang makakapigil sa nais niyang gawin.
14Isasakatuparan niya ang plano niya sa akin,
ang marami niyang balak ay kanyang gagawin.
15Kaya ako'y natatakot na sa kanya'y humarap;
isipin ko lamang ito, ako ay nasisindak.
16Pinanghihina ng Diyos ang aking kalooban,
tinatakot ako ng Makapangyarihan.
17Sapagkat kadiliman ang nasa aking palibot,
dilim nitong taglay sa mukha ko ay bumalot.
Kasalukuyang Napili:
Job 23: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society