Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 5:1-18

Juan 5:1-18 MBB05

Pagkaraan nito'y pumunta si Jesus sa Jerusalem upang dumalo sa isang pista ng mga Judio. Sa lunsod na ito na malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking deposito ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata. Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?” Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad. Noo'y Araw ng Pamamahinga kaya't sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.” Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.” At siya'y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat nawala na si Jesus sa karamihan ng tao. Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.” Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at gayundin ako.” Lalo namang pinagsikapan ng mga pinuno ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos.

Kaugnay na Video

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Juan 5:1-18