Jeremias 7
7
Si Jeremias ay Nangaral sa Templo
1-2Pinapunta ni Yahweh si Jeremias sa pintuan ng Templo, at ipinasabi ang ganito: “Makinig kayo, mga taga-Juda na nagkakatipon dito upang sumamba kay Yahweh. 3Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel! Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay at ang inyong ginagawa at kayo'y papayagan kong manatili rito.” 4Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: ‘Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh!’ Hindi kayo maililigtas ng mga salitang iyan.
5“Magbagong-buhay na kayo at iwan na ang dati ninyong ginagawa. Maging makatarungan kayo sa isa't isa. 6Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Tigilan na ninyo ang pagpatay sa mga walang kasalanan sa lugar na ito. Talikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan, sapagkat ito ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. 7Kapag sinunod ninyo ito, pahihintulutan ko kayong manatili sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyong mga magulang upang maging tirahan ninyo magpakailanman.
8“Bakit kayo nagtitiwala sa mga salitang walang kabuluhan? 9Nagnanakaw kayo, pumapatay, nangangalunya, nanunumpa sa hindi katotohanan, naghahandog kay Baal, at sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi ninyo nakikilala. 10Ginawa ninyo ang aking kinamumuhian at pagkatapos, haharap kayo sa akin, sa aking Templo at sasabihin ninyo, ‘Ligtas kami rito!’ 11Bakit?#Mt. 21:13; Mc. 11:17; Lu. 19:46. Ang tahanan bang ito'y mukhang lungga ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang ginagawa ninyo. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 12Pumunta#Jos. 18:1; Awit 78:60; Jer. 26:6. kayo sa Shilo, ang lugar na una kong pinili upang ako'y sambahin ninyo. Tingnan ninyo ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa mga kasalanan ng aking bayang Israel. 13At ngayon, ginawa rin ninyo ang mga kasalanang iyon. Paulit-ulit ko kayong pinaalalahanan, ngunit ayaw ninyong makinig. Hindi ninyo pinansin ang aking panawagan. 14Kaya naman, ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin sa Templong ito na labis ninyong pinagtiwalaan. Wawasakin ko ang lugar na ito na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, gaya ng ginawa ko sa Shilo. 15Palalayasin ko kayo sa harap ko, tulad ng ginawa ko sa inyong mga kapatid, sa angkan ni Efraim.”
Ang Pagsuway ng mga Tao
16Sinabi ni Yahweh, “Huwag mong ipapanalangin ang mga taong ito, Jeremias. Huwag kang mananangis para sa kanila o magmamakaawa sapagkat hindi kita papakinggan. 17Tingnan mo ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. 18Nangunguha#Jer. 44:17-19. ng panggatong ang kanilang mga anak, nagpaparikit ng apoy ang kalalakihan, at nagluluto ng tinapay ang kababaihan upang ihandog sa diyus-diyosang tinatawag nilang reyna ng kalangitan. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang diyos, upang saktan ang aking kalooban. 19Subalit ako bang talaga ang kanilang sinasaktan? Hindi, manapa'y ang kanilang sarili ang sinasaktan nila at inilalagay sa kahihiyan. 20Kaya nga, ibubuhos ko sa lugar na ito ang aking galit at poot. Madadamay sa ipapataw kong parusa ang mga tao, mga hayop, at pati mga punongkahoy at mga halaman. Ang aking poot ay gaya ng apoy na walang sinumang makakapatay.
21“Mabuti pa'y kainin na lamang ninyong lahat ang inyong mga handog na susunugin, kasama ng mga handog na pinagsasaluhan. Ako, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito. 22Nang ilabas ko sa Egipto ang inyong mga magulang, hindi ko iniutos sa kanila ang tungkol sa mga handog na susunugin o iba pang handog. 23Subalit inutusan ko silang sumunod sa akin upang sila'y maging aking bayan at ako naman ang kanilang magiging Diyos. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at magiging maayos ang kanilang buhay. 24Ngunit hindi sila sumunod; ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang bawat maibigan at lalo pa silang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. 25Mula nang umalis sa Egipto ang inyong mga magulang hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagpapadala ng aking mga lingkod, ang mga propeta. 26Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga magulang.
27“Kaya, Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. 28Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ni Yahweh na kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang mga landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at hindi man lamang nababanggit.’”
Ang mga Kasamaang Ginagawa sa Libis ng Ben Hinom
29“Manangis kayo, mga taga-Jerusalem.
Putulin ninyo ang inyong buhok, at itapon ito sa malayo.
Managhoy kayo sa ibabaw ng mga burol,
sapagkat itinakwil at pinabayaan ni Yahweh
ang mga taong kanyang kinapopootan.
30“Napakasama ng ginawa ng mga taga-Juda. Ang mga diyus-diyosang kinasusuklaman ko'y inilagay nila sa aking Templo. Nilapastangan nila ang aking tahanan. Akong si Yahweh ang maysabi nito. 31Sa#2 Ha. 23:10; Jer. 32:35; Lev. 18:21. Libis ng Ben Hinom ay gumawa sila ng altar at tinawag nilang Tofet. Doon nila sinusunog ang kanilang mga anak bilang handog. Hindi ko iniutos sa kanilang gawin ito, at ni hindi man lamang ito sumagi sa aking isipan. 32Dahil dito, darating ang panahon na hindi na iyon tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom kundi Libis ng Kamatayan. Magiging isang libingan ang Tofet sapagkat wala nang lugar na mapaglilibingan. 33Ang mga bangkay ay kakanin ng mga ibon at maiilap na hayop; walang sinumang makapagtataboy sa kanila. 34At#Jer. 16:9; 25:10; Bar. 2:23; Pah. 18:23. sasalantain ko ang buong lupain hanggang ito'y maging isang disyerto. Hindi na maririnig sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na mapapakinggan ang masasayang tinig ng mga ikakasal.
Kasalukuyang Napili:
Jeremias 7: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society