Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 7:1-25

Isaias 7:1-25 MBB05

Nang ang hari ng Juda ay si Ahaz, anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang Jerusalem ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria, at ng hari ng Israel na si Peka, anak ni Remalias, ngunit hindi sila nagtagumpay. Nang mabalitaan ng sambahayan ni David na nagkasundo na ang Siria at ang Efraim, ang hari at ang buong bayan ay nanginig sa takot na parang mga puno sa kakahuyan na hinahampas ng hangin. Sinabi ni Yahweh kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Yasub at salubungin ninyo si Ahaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa tipunan ng tubig sa itaas, sa daang patungo sa dakong Bilaran ng Tela. Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Huwag matakot at mabagabag. Huwag kang masisiraan ng loob dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ni Peka na anak ni Remalias; ang dalawang iyon ay parang dalawang putol ng kahoy na umuusok ngunit walang apoy.’ Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi: ‘Lusubin natin ang Juda, at sakupin ang Jerusalem. Gagawin nating hari doon ang anak ni Tabeel.’ Ngunit sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi ito mangyayari. Sapagkat ang Siria'y mas mahina kaysa Damasco na punong-lunsod niya, at ang Damasco'y mas mahina kaysa kay Haring Rezin. Ang Israel naman ay mawawasak sa loob ng animnapu't limang taon, at hindi na ito ibibilang na isang bayan. Malakas pa kaysa Israel ang lunsod ng Samaria na punong-lunsod nito, at ang Samaria ay mas mahina kaysa kay Haring Peka. Ikaw ay mabubuwal kapag hindi naging matatag ang iyong pananalig sa Diyos.” Muling nagsalita si Yahweh kay Ahaz: “Humingi ka ng palatandaan kay Yahweh na iyong Diyos, maging ito ay buhat sa malalim na libingan o sa kaitaasan ng langit.” Ngunit sinabi ni Ahaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko po susubukin si Yahweh.” At sinabi ni Isaias: “Makinig kayo, sambahayan ni David! Hindi pa ba sapat na subukin ninyo ang pagtitiis ng mga tao, at pati ang pagtitiis ng aking Diyos ay inyong sinusubok? Dahil dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin sa pangalang Emmanuel. Gatas at pulot ang kanyang kakainin kapag marunong na siyang umiwas sa masama at gumawa ng mabuti. Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama at gumawa ng mabuti, ang lupain ng dalawang haring kinatatakutan mo ay wawasakin. Ikaw at ang iyong bayan, pati na ang sambahayan ng iyong ama ay ipapasakop ni Yahweh sa hari ng Asiria. Pagdaranasin ka nito ng paghihirap na kailanma'y hindi mo pa nararanasan mula nang humiwalay ang Efraim sa Juda. Sa panahon ding iyon, tatawagin ni Yahweh ang mga Egipcio na parang mga langaw mula sa malalayong batis ng Ilog Nilo, at ang mga taga-Asiria na gaya ng mga pukyutan. Darating ang mga ito at maninirahan sa matatarik na bangin, sa mga lungga ng malalaking bato, at sa lahat ng dawagan at mga pastulan. Sa araw na iyon, ang Panginoon ay uupa ng mang-aahit mula sa kabila ng Ilog Eufrates—ang hari ng Asiria! Aahitin niya ang buhok mo sa ulo pati na ang iyong balbas at gayundin ang balahibo mo sa buong katawan. Sa araw na iyon ang bawat tao ay mag-aalaga ng isang dumalagang baka at dalawang tupa. Sa dami ng gatas na makukuha, ang lahat ng natira sa lupain ay mabubuhay sa gatas at pulot. Sa panahong iyon ang ubasang noo'y may isang libong punong ubas na nagkakahalaga ng isang libong salaping pilak ay magiging dawagan at puro tinikan. May dalang palaso at pana ang papasok doon, sapagkat ang buong lupain ay mapupuno ng mga tinik at dawag. Wala nang pupunta doon upang magbungkal ng lupa sapagkat mga tinik ay sanga-sanga na. Pagpapastulan na lamang iyon ng mga baka at tupa.”