Isaias 37
37
Sumangguni si Hezekias kay Propeta Isaias
(2 Ha. 19:1-7)
1Nang marinig ni Haring Hezekias ang kanilang ulat, sinira din niya ang kanyang kasuotan, nagsuot ng damit-panluksa, at pumasok sa Templo. 2Tinawag niya si Eliakim, ang katiwala sa palasyo, at pinapunta ito kay Isaias, ang propetang anak ni Amoz. Pinasama rin niya ang kanyang kalihim na si Sebna at ang matatandang pari. Lahat sila'y nakadamit-panluksa. 3Ganito ang ipinasabi niya kay Isaias: “Ang araw na ito ay araw ng paghihirap, ng pagpaparusa at kahihiyan. Para tayong isang inang dapat nang magsilang, ngunit hindi magawâ dahil nanghihina. 4Marahil ay narinig ni Yahweh na inyong Diyos ang sinabi ng punong ministro ng Asiria na sinugo ng kanyang hari upang lapastanganin ang Diyos na buháy. Sana'y parusahan niya ang kalapastanganang iyon. Kaya, idalangin mo ang natitira pa sa bayan ng Diyos.”
5Nang marinig ni Isaias ang ipinasabi ni Haring Hezekias, 6sumagot siya, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot sa mga paglapastangan sa akin ng sugo ng hari ng Asiria. 7Ito ang tandaan ninyo! Padadalhan ko siya ng isang espiritu na lilito sa kanya; at hindi siya patatahimikin ng isang balita. Dahil dito, uuwi siya agad at sa pamamagitan ng espada'y mamamatay siya sa kanyang sariling bayan.’”
Muling Nagbanta ang Asiria
(2 Ha. 19:8-19)
8Bumalik nga sa Laquis ang punong ministro at nabalitaan niyang wala roon ang hari ng Asiria, sapagkat sinasalakay nito ang Libna. 9Kaya doon siya tumuloy. Nabalitaan naman ng haring ito na lumabas na ang Haring Tirhaka ng Etiopia#9 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan. upang sila'y salakayin. Kaya nagpasugo muli siya kay Haring Hezekias 10upang sabihin dito: “Huwag kang palinlang sa pinagtitiwalaan mong Diyos na nagsasabing hindi masasakop ng hari ng Asiria ang Jerusalem. 11Alam ninyo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa ibang mga bansa; winasak silang lahat, kayo pa kaya! 12Hindi nailigtas ng mga diyos ang mga bansang winasak ng aming mga magulang. Nariyan ang Gozan, Caran, at Resef; nariyan din ang mga taga-Eden na nasa Telasar. Nailigtas ba sila ng mga ito? 13At nasaan ang hari ng Hamat, ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva?”
14Kinuha ni Hezekias ang sulat na dala ng mga sugo, at pagkatapos basahin ay pumasok sa Templo. Isinangguni niya ito kay Yahweh, 15at siya'y nanalangin. 16“O#Exo. 25:22. Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng Israel, lumikha ng langit at lupa. Ang inyong trono'y nasa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa lupa. 17Masdan ninyo ang aming kalagayan, at lingapin ninyo kami. Narito ang liham ni Senaquerib na lumalapastangan sa inyo, ang buháy na Diyos. 18Tunay nga, O Yahweh, na winasak ng mga hari ng Asiria ang lahat ng bansa. 19Sinunog nila ang diyos ng mga ito, sapagkat ang diyos nila'y hindi tunay; mga bato at kahoy lamang na gawa ng mga tao. 20Kaya iligtas mo kami Yahweh, O aming Diyos, sa kamay ni Senaquerib upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw lamang, ang tunay na si Yahweh.”
Ang Mensahe ni Isaias kay Haring Hezekias
21Pagkatapos, tumanggap si Hezekias ng sulat mula kay Isaias na ganito ang sinasabi: “Dininig ni Yahweh, ang Diyos ng Israel ang dalangin mo laban kay Senaquerib, 22at ito ang kanyang tugon:
Kinamumuhian ka ng mga taga-Zion,
Senaquerib, pinagtatawanan ka at kinukutya ng Jerusalem.
23“Sino sa akala mo ang iyong iniinsulto at hinahamak?
Nilapastangan mo ako,
ang Banal na Diyos ng Israel!
24Nilait mo ang Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga lingkod,
ang sabi mo: Sa dami ng aking karwahe,
naakyat ko ang ituktok ng mga bundok,
naabot ko rin ang kasuluk-sulukan ng Lebanon.
Pinutol ko ang nagtataasang puno ng sedar,
at ang mga piling puno ng sipres;
naabot kong lahat
ang pinakamataas na lugar at pusod ng gubat.
25Humukay ako ng maraming balon,
at uminom ako ng tubig ng mga iyon.
Ang mga ilog at batis sa Egipto,
matapakan ko lamang ay agad natutuyo.
26“Dapat mong malaman na noon pang una
ang bagay na ito ay matagal ko nang binalak,
at ngayo'y pawang natutupad.
Itinakda kong ikaw ang magwawasak
ng matitibay na lunsod.
27Mga mamamaya'y nawalan ng lakas,
nanginig sa takot at napahiya.
Sila'y tulad ng halaman sa gitna ng parang,
mga murang daho'y nalanta sa araw;
katulad ay damo sa bubong ng bahay,
hindi pa pinuputol ay tuyo na sa tangkay.
28“Lahat ng iyong gawin ay nalalaman ko,
hindi lingid sa akin anumang balak mo.
29Dahil sa galit mo't paglaban sa akin
at paghahambog mong hindi nalilihim,
kaya ang ilong mo'y kakawitin ko
at ang bibig mo'y lalagyan ng kandado,
at ibabalik kita sa pinanggalingan mo.
30“Ito ang magiging palatandaan ninyo: Sa taóng ito, ang kakainin ninyo'y bunga ng halamang dati nang nakatanim. Sa susunod na taon, ang kakainin ninyo'y ang ani sa tutubong supling ng halamang iyon. Ngunit sa ikatlong taon, magtatanim na kayo ng panibago, at ang kakainin ninyo'y ang ibubunga nito. 31Ang mga nalabi sa Juda ay parang halamang muling mag-uugat at mamumunga, 32sapagkat may malalabi mula sa Jerusalem, at may maliligtas mula sa Bundok ng Zion. Mangyayari ito dahil kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
33“Kaya ito ang pasya ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakalapit sa lunsod na ito; ni isang palaso ay hindi niya magagamit laban dito. Hindi siya makakalapit na may sandata o makakapagtayo ng tanggulan upang ito'y kubkubin. 34Saan man siya magdaan papunta dito, doon rin siya daraang pabalik. Hindi na siya makakapasok sa lunsod na ito. Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh. 35‘Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa lingkod kong si David.’”
Ang Pagkamatay ni Senaquerib
36Nang gabing iyon, pinatay ng anghel ni Yahweh ang may 185,000 kawal na taga-Asiria sa loob mismo ng kanilang kampo. Kinaumagahan, naghambalang sa kampo nila ang mga bangkay. 37Dahil dito, umuwi na si Senaquerib at doon na tumira sa Nineve. 38Minsan, samantalang sumasamba siya sa templo ng diyus-diyosan niyang si Nisroc, pinatay siya ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer sa pamamagitan ng espada. Pagkatapos, tumakas sila at nagtago sa bundok ng Ararat. Humalili kay Senaquerib ang anak niyang si Esarhadon.
Kasalukuyang Napili:
Isaias 37: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society