Isaias 2
2
Kapayapaang Walang Hanggan
(Mik. 4:1-3)
1Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:
2Sa mga darating na araw,
ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh
ang magiging pinakamataas sa lahat ng bundok,
at mamumukod sa lahat ng burol,
daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
3Maraming tao ang darating at sasabihin ang ganito:
“Umakyat tayo sa bundok ni Yahweh,
sa Templo ng Diyos ni Jacob,
upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan;
at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.
Sapagkat sa Zion magmumula ang kautusan,
at sa Jerusalem, ang salita ni Yahweh.”
4Siya#Joel 4:10; Mik. 4:3. ang mamamagitan sa mga bansa
at magpapairal ng katarungan sa lahat ng mga tao;
kaya't gagawin na nilang araro ang kanilang mga tabak,
at karit naman ang kanilang mga sibat.
Mga bansa'y di na mag-aaway
at sa pakikidigma'y di na magsasanay.
5Halina kayo, sambahayan ni Jacob,
lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh.
Wawakasan ang Kapalaluan
6Itinakwil mo ang lahi ni Jacob na iyong bayan,
sapagkat ang lupain ay punô ng mga salamangkero#6 salamangkero: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang salitang ito. mula sa silangan
at ng mga manghuhula gaya ng mga Filisteo;
nakikibagay sila sa kaugalian ng mga dayuhan.
7Sagana ang kanilang lupain sa ginto at pilak,
at walang pagkaubos ang kanilang kayamanan.
Sa buong lupai'y maraming kabayo,
at hindi mabilang ang kanilang mga karwahe.
8Punô ng diyus-diyosan ang kanilang bayan;
mga rebultong gawa lamang, kanilang niyuyukuran,
mga bagay na inanyuan at nililok lamang.
9Kaya ang mga tao ay hahamakin at mapapahiya;
huwag mo silang patatawarin!
10Magtatago#Pah. 6:15; 2 Tes. 1:9. sila sa mga yungib na bato at sa mga hukay
upang makaiwas sa poot ni Yahweh, at sa kaluwalhatian ng kanyang karangalan.
11Pagdating ng araw ni Yahweh,
ang mga palalo ay kanyang wawakasan,
itong mga mayayabang, kanya ring paparusahan;
pagkat si Yahweh lamang ang bibigyang kadakilaan.
12Sapagkat si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay may itinakdang araw,
laban sa lahat ng palalo at mayabang,
laban sa lahat ng mapagmataas;
13laban sa lahat ng nagtataasang sedar ng Lebanon,
at laban sa lahat ng malalaking punongkahoy sa Bashan;
14laban sa lahat ng matataas na bundok
at mga burol;
15laban sa lahat ng matataas na tore
at matitibay na pader;
16laban sa mga malalaking barko,
at magagandang sasakyang dagat.
17Pagdating ng araw na iyon, ang mga palalo ay papahiyain,
at ang mga maharlika, ay pababagsakin,
pagkat si Yahweh lamang ang dapat dakilain,
18at mawawala ang lahat ng diyus-diyosan.
19Magtatago ang mga tao sa mga yungib na bato
at sa mga hukay sa lupa,
upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh;
at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan,
kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
20Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at paniki,
ang mga rebultong yari sa ginto at pilak
na ginawa nila upang kanilang sambahin.
21Magtatago sila sa mga yungib na bato
at sa mga bitak ng matatarik na burol,
upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh
at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan,
kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
22Huwag ka nang magtitiwala sa kapangyarihan ng tao.
Siya ay hininga lamang, at tiyak maglalaho.
Ano nga ba ang maitutulong niya sa iyo?
Kasalukuyang Napili:
Isaias 2: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society