Hosea 4
4
Ang Paratang ni Yahweh Laban sa Israel
1Dinggin ninyo, mga taga-Israel, ang pahayag ni Yahweh,
sapagkat may bintang siya laban sa inyo.
“Sa lupaing ito ay walang katapatan,
walang pagmamahalan at walang pagkilala sa Diyos.
2Sa halip ay laganap ang pagtutungayaw at pagsisinungaling,
pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya.
Nilalabag nila ang lahat ng batas
at sunod-sunod ang mga pamamaslang.
3Kaya't nagdadalamhati ang lupain,
nalulumbay ang lahat ng naninirahan dito.
Halos malipol ang mga hayop sa parang,
ang mga ibon sa papawirin,
at ang mga isda sa dagat.
Ang Paratang ni Yahweh Laban sa mga Pari
4“Gayunma'y huwag magbintang ang sinuman,
at huwag usigin ang iba,
sapagkat ang hinanakit ko'y laban sa inyo, mga pari.
5Araw at gabi'y lagi kayong nabibigo,
at ang propeta'y kasama ninyong bigo.
Kaya't lilipulin ko ang Israel na inyong ina.
6Nalipol ang aking bayan dahil sa kamangmangan;
sapagkat itinakwil ninyo ang karunungan,
itinatakwil ko rin kayo bilang pari.
At dahil kinalimutan ninyo ang kautusan ng inyong Diyos,
kalilimutan ko rin ang inyong mga anak.
7“Habang dumarami ang mga pari,
lalo naman silang nagkakasala
sa akin;
kaya gagawin kong kahihiyan ang kanilang kadakilaan.
8Yumayaman sila dahil sa kasalanan ng mga tao;
nabubusog sila sa kasamaan ng aking bayan.
9At gayon nga ang nangyayari, kung ano ang pari, gayundin ang bayan.
Kaya't paparusahan ko sila at pagbabayarin,
dahil sa kanilang kasamaan.
10Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog;
makikipagtalik sila sa mga babae sa templo, ngunit hindi sila magkakaanak;
sapagkat itinakwil nila si Yahweh
at sila'y bumaling sa ibang mga diyos.”
Isinumpa ni Yahweh ang Pagsamba sa mga Diyus-diyosan
11“Ang alak, luma man o bago,
ay nakakasira ng pang-unawa.
12Sumasangguni ang aking bayan sa diyus-diyosang kahoy; itinatanong nila sa haliging kahoy kung ano ang dapat gawin.
Sinasagot sila sa pamamagitan ng tungkod.
Sila'y iniligaw ng masamang pamumuhay,
at ipinagpalit nila sa kahalayan ang kanilang Diyos.
13Nag-aalay sila ng mga handog na susunugin sa mga sagradong bundok,
at nagsusunog ng mga handog sa ibabaw ng mga burol,
sumasamba sila sa ilalim ng mga ensina, alamo at roble,
sapagkat mayabong ang mga ito at malawak ang lilim.
Kaya't nakikipagtalik kahit kanino ang iyong mga anak na dalaga,
at nangangalunya naman ang mga manugang mong babae.
14Gayunman, hindi ko paparusahan ang iyong mga anak na dalaga kahit sila'y magpakasama.
Gayundin ang iyong mga manugang kahit na sila'y mangalunya;
sapagkat ang mga lalaki ay nakikipagtalik din sa mga babae sa templo,
at kasama nilang naghahandog sa mga diyus-diyosan.
Ganyan winawasak ng mga taong hangal ang kanilang sarili.
15“Bagaman ikaw ay nangalunya, O Israel,
hindi naman kailangang papanagutin din ang Juda.
Huwag kang pumasok sa Gilgal,
ni umakyat sa Beth-aven;#15 BETH-AVEN: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “bahay ng kasamaan”.
at huwag kang sumumpa ng, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy.’#15 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay.
16Matigas ang ulo ng Israel,
tulad ng dumalagang baka.
Kaya't pakakainin pa ba sila ni Yahweh
tulad ng mga tupang dinadala niya sa maluwang na pastulan?
17Nakiisa sa mga diyus-diyosan ang Efraim;
pabayaan mo na siya.
18Bagaman ubos na ang kanilang alak, patuloy pa rin sila sa pangangalunya;
higit nilang nais ang kahihiyan kaysa karangalan.
19Tatangayin sila ng malakas na hangin,
at mapapahiya sila nang labis dahil sa kanilang handog sa mga diyus-diyosan.
Kasalukuyang Napili:
Hosea 4: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society