Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Habakuk 2

2
Ang Tugon ni Yahweh
1Aakyat ako sa bantayan at hihintayin
ang sasabihin ni Yahweh sa akin,
at ang tugon niya sa aking daing.
2Ito ang tugon ni Yahweh:
“Isulat mo nang malinaw sa mga tapyas ng bato
ang pangitaing ipahahayag ko sa iyo,
upang sa isang sulyap ay mabasa agad at maipabatid ito.
3Isulat#Heb. 10:37. mo ito sapagkat hindi pa panahon upang ito ay maganap.
Ngunit mabilis na lilipas ang panahon,
at mangyayari ang ipinakita ko sa iyo.
Bagama't parang mabagal ito, hintayin mo.
Tiyak na mangyayari at hindi maaantala ito.
4Ito#Ro. 1:17; Ga. 3:11; Heb. 10:38; Isa. 11:9. ang mensahe: “Ang hambog ay mabibigo sa kanyang pagmamataas,
ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.”
Ang Kapahamakan ng mga Makasalanan
5Ang kayamanan#5 kayamanan: Sa ibang manuskrito'y alak. ay mandaraya.
Ang ganid sa salapi ay hindi makukuntento.
Ang kanyang katakawan ay kasinlawak ng libingan,
tulad ng kamatayan na walang kasiyahan.
Kaya sinasakop niya ang mga bansa,
upang maging kanya ang mga mamamayan.
6Darating ang araw na hahamakin ng mga nasakop ang mga sumakop sa kanila.
Sasabihin nila, “Kinuha ninyo ang hindi sa inyo, kaya't kayo'y mapapahamak!
Hanggang kailan pa kayo magpapayaman, habang pinipilit na magbayad ang mga may utang sa inyo?”
7Biglang darating ang panahon na kayo naman ang mangungutang,
at pipiliting magbayad ng interes.
Darating ang inyong kaaway at sisindakin kayo.
Pagnanakawan nila kayo!
8Sinalanta ninyo ang maraming bansa,
iyan din ang gagawin sa inyo ng mga nakaligtas.
Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak,
dahil sa inyong karahasan sa mga tao,
sa daigdig at sa mga lunsod nito.
9Mapapahamak kayong mga nagpayaman ng inyong pamilya sa pamamagitan ng inyong mga ninakaw.
Ngayo'y nagsisikap kayong ilayo sa kapahamakan at panganib ang inyong sambahayan.
10Ang inyong mga pagbabalak ang nagbigay ng kahihiyan sa inyong sambahayan.
Winasak ninyo ang maraming bansa,
kaya kayo naman ngayon ang wawasakin.
11Sisigaw laban sa inyo ang mga bato ng pader,
at aalingawngaw sa buong kabahayan.
12Mapapahamak kayo! Nagtatag kayo ng lunsod sa pamamagitan ng kasamaan;
itinayo ninyo ang bayan sa pamamagitan ng pagpatay.
13Ang#Ecc. 14:19. mga sinakop ninyong bansa ay nagpakahirap sa walang kabuluhan,
at lahat ng itinayo nila ay natupok sa apoy.
Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang gumawa nito.
14Subalit#Isa. 11:9. ang buong mundo ay mapupuno
ng mga taong kumikilala at dumadakila kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
15Mapapahamak kayo! Pinainom ninyo ang inyong mga kalapit bansa,
ng alak na tanda ng inyong pagkapoot.
Nilasing ninyo sila at hiniya,
nang inyong titigan ang kanilang kahubaran.
16Malalagay rin kayo sa kahihiyan at hindi sa karangalan.
Iinom din kayo at malalasing.
Ipapainom sa inyo ni Yahweh ang inyong kaparusahan,
at ang inyong karangalan ay magiging kahihiyan.
17Hinubaran ninyo ang kagubatan ng Lebanon;
ngayon, kayo naman ang huhubaran.
Pinatay ninyo ang mga hayop doon;
ngayo'y kayo naman ang sisindakin nila.
Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak,
dahil sa inyong karahasan sa mga tao,
sa daigdig at sa mga lunsod nito.
18Ano ang kabuluhan ng diyus-diyosan?
Tao lamang ang gumawa nito,
at pawang kasinungalingan ang sinasabi nito.
Ano ang ginagawa nitong mabuti upang pagkatiwalaan ng gumawa?
Ito ay isang diyos na hindi man lang makapagsalita.
19Mapapahamak kayo! Ginigising ninyo ang isang pirasong kahoy!
Pinababangon ninyo ang isang bato!
May maipapahayag ba sa inyo ang isang diyus-diyosan?
Maaaring ito'y nababalot sa pilak at ginto,
ngunit wala naman itong buhay.
20Si Yahweh ay nasa kanyang banal na templo,
tumahimik ang lahat sa harapan niya.
Manahimik ang buong sanlibutan sa kanyang presensya.

Kasalukuyang Napili:

Habakuk 2: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in