Nagdala nga sila ng mga kaloob at salaping dapat dalhin, at nagbalik sa Egipto, kasama si Benjamin. Nang makita ni Jose si Benjamin, iniutos niya sa aliping namamahala sa kanyang tahanan, “Isama mo sila sa bahay. Sila'y kasalo ko mamayang pananghalian. Magkatay ka ng hayop at iluto mo.” Sinunod ng alipin ang utos ni Jose at isinama ang magkakapatid.
Natakot sila nang sila'y dalhin sa bahay ni Jose. Sa loob-loob nila, “Marahil, dinala tayo rito dahil sa salaping ibinalik sa ating mga sako nang una tayong pumarito. Maaaring bigla na lamang tayong dakpin, kunin ang ating mga asno, at tayo'y gawing mga alipin.”
Kaya't nilapitan nila ang katiwala ni Jose at kinausap sa may pintuan ng bahay nito. Sinabi nila, “Ginoo, galing na po kami ritong minsan at bumili ng pagkain. Nang kami'y nagpapahinga sa daan, binuksan namin ang aming mga sako at nakita sa loob ang lahat ng salaping ibinayad namin sa pagkain. Heto po't dala namin para ibalik sa inyo. May dala po kaming bukod na pambili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng mga salaping iyon sa mga sako namin.”
“Huwag kayong mag-alaala,” sabi ng alipin. “Huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos na siya ring Diyos ng inyong ama ang naglagay ng salaping iyon. Tinanggap ko na ang inyong kabayaran sa binili ninyong una.” Pagkatapos ay inilabas ng katiwala si Simeon at isinama sa kanila.
Sila'y pinapasok ng katiwala sa bahay ni Jose, pinaghugas ng mga paa, at pinakain ang kanilang mga asno. Pagkatapos, inilabas ng magkakapatid ang kanilang handog para ipagkaloob kay Jose pagdating nito. Narinig nilang doon sila magsasalu-salo. Pagdating ni Jose, yumukod silang lahat sa kanyang harapan at ibinigay ang dala nilang handog. Kinumusta sila ni Jose at pagkatapos ay tinanong, “Kumusta naman ang inyong ama? Malakas pa ba siya?”
“Ginoo, buháy pa po siya at malakas,” tugon nila. At sila'y lumuhod at yumukod muli sa harapan niya.
Pagkakita ni Jose kay Benjamin, siya ay nagtanong, “Ito ba ang sinasabi ninyong bunsong kapatid? Pagpalain ka ng Diyos, anak!” Hindi mapaglabanan ni Jose ang kanyang damdamin, at halos siya'y mapaiyak dahil sa pagkakita sa kanyang kapatid. Kaya't siya'y pumasok sa kanyang silid at doon umiyak. Nang mapayapa na niya ang kanyang kalooban, naghilamos siya, lumabas, at nagpahain ng pagkain. Si Jose ay ipinaghaing mag-isa sa isang mesa, at ang kanyang mga kapatid ay sa ibang mesa. Magkakasalo naman ang mga Egipcio, sapagkat ikinahihiya nilang makasalo ang mga Hebreo. Kaharap ni Jose ang kanyang mga kapatid na sunod-sunod ang pagkaupo ayon sa gulang. Nagkatinginan sila at takang-taka sa gayong pagkakaayos ng kanilang upo. Idinudulot mula sa mesa ni Jose ang pagkain nila, at limang beses ang dami ng pagkaing idinulot kay Benjamin. Masaya silang kumain at nag-inuman.