Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 25:21-34

Genesis 25:21-34 MBB05

Hindi magkaanak si Rebeca, kaya't nanalangin kay Yahweh si Isaac. Dininig naman siya at si Rebeca'y naglihi. Kambal ang kanyang dinadala at nasa tiyan pa'y nagtutulakan na ang dalawa. Kaya't nasabi ng ina, “Kung ngayon pa'y ganito na ang nangyayari sa akin, bakit pa ako mabubuhay?” Kaya't siya'y nagtanong kay Yahweh. Ganito naman ang sagot ni Yahweh: “Dalawang sanggol ang dala mo sa loob ng iyong tiyan, larawan ng dalawang bansa na magiging magkalaban; magiging higit na malakas ang mas bata kaysa sa nauna, kaya maglilingkod ang mas matanda sa bata niyang kapatid.” Dumating ang panahon at nanganak nga siya ng kambal. Mamula-mula ang kutis at mabalahibo ang katawan ng panganay, kaya't Esau ang ipinangalan dito. Nang lumabas ang pangalawa, nakahawak ito sa sakong ng kanyang kakambal, kaya Jacob naman ang itinawag sa kanya. Animnapung taon si Isaac noon. Lumaki ang mga bata. Naging mahusay na mangangaso si Esau at sa kaparangan na halos tumitira. Si Jacob naman ay tahimik at lagi sa bahay. Higit ang pagtingin ni Isaac kay Esau, palibhasa'y kinawiwilihan niyang kainin ang mga nahuhuli nito sa pangangaso, samantalang si Jacob naman ang mas mahal ni Rebeca. Minsan, si Jacob ay nagluluto ng sinabawang pulang patani; siya namang pagdating ni Esau mula sa pangangaso. Sinabi niya, “Gutom na gutom na ako, bigyan mo naman ako niyang mapulang niluluto mo.” At dahil dito'y tinawag siyang Edom. Sumagot si Jacob, “Ibigay mo muna sa akin ang iyong karapatan bilang panganay.” “Payag na ako,” sabi ni Esau, “aanhin ko pa ang pagiging panganay kung mamamatay naman ako sa gutom?” “Kung gayon,” sabi ni Jacob, “sumumpa ka muna.” Sumumpa nga si Esau, at ibinigay kay Jacob ang karapatan ng pagiging panganay. Ibinigay naman ni Jacob kay Esau ang niluto niyang gulay at binigyan pa ito ng tinapay. Matapos kumai't uminom, umalis na agad si Esau. Iyon lamang ang halaga sa kanya ng kanyang karapatan bilang panganay.