Daniel 10
10
Ang Pangitain ni Daniel sa Pampang ng Ilog Tigris
1Nang ikatlong taon ng paghahari ni Ciro ng Persia, isang pahayag ang dumating kay Daniel na tinatawag ding Beltesazar. Ang pahayag na iyon ay totoo ngunit mahirap unawain. Ngunit naunawaan din ito ni Daniel sa pamamagitan ng pangitain.
2Noon, akong si Daniel ay tatlong linggo nang nagluluksa. 3Tatlong linggo na rin akong hindi kumain ng anumang masarap na pagkain, ni tumikim man lamang ng karne o alak. Ni hindi ako naglagay ng langis sa aking ulo. 4Noong ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang nakatayo ako sa pampang ng malaking Ilog Tigris, 5tumingala#Pah. 1:13-15; 2:18; 19:12. ako at may nakita akong isang lalaking nakadamit ng telang lino at may sinturong yari sa lantay na ginto. 6Ang katawan niya'y kumikinang na parang topaz at ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat. Nagliliyab na parang sulo ang kanyang mga mata at ang kanyang mga paa't kamay ay nagniningning na parang makinis na tanso. Ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao. 7Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitain sapagkat nagtakbuhang nanginginig sa takot at nagsipagtago ang aking mga kasama. 8Naiwan akong mag-isa, kaya ako lang ang nakakita sa pangitain. Nawalan ako ng lakas at ako'y namutla. 9Nagsalita ang lalaking iyon; at nang marinig ko ang kanyang tinig, walang malay akong nasubasob sa lupa.
Ipinaliwanag ang Pangitain
10Walang anu-ano, may kamay na biglang humawak sa akin. Dahil sa takot, nanginginig pa rin ang aking mga kamay at mga tuhod. 11Sinabi niya, “O Daniel, lubos kitang minamahal, tumayo ka at pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko. Isinugo ako para sabihin ito sa iyo.” Nanginginig naman akong tumayo. 12Sinabi pa niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula pa nang nagpakumbabá ka sa harapan ng Diyos upang magkaroon ka ng pang-unawa, dininig na ang iyong dalangin. Kaya naparito ako. 13Ngunit#Pah. 12:7. pinigilan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw, hanggang sa dumating si Miguel, isa sa mga pangunahing pinuno na sumaklolo sa akin sapagkat naiwan ako noong nag-iisa kasama ng mga hari ng Persia.#13 mga hari ng Persia: Sa ibang manuskrito'y mga prinsipe (o pinuno) ng kaharian ng Persia. 14Nagtuloy na ako rito upang ipaliwanag kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayan pagdating ng araw. Ang nakita mong pangitain ay tungkol sa hinaharap.”
15Matapos niyang sabihin ito, napayuko na lamang ako at hindi makapagsalita. 16At may isang kahawig ng tao na biglang humipo sa aking labi at muli akong nakapagsalita. Sinabi ko sa aking kaharap, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing ito. 17Hindi po ako makapagsalitang tulad ninyo sapagkat wala nga akong lakas. Halos hindi ako makahinga.”
18Kaya muli niya akong hinipo at nanumbalik ang aking lakas. 19Sinabi niya sa akin, “Ikaw na labis na minamahal, huwag kang matakot. Ipanatag mo ang iyong kalooban at magpakatapang ka.” Pagkatapos niyang magsalita, tuluyan nang nagbalik ang aking lakas.
Sinabi ko, “Magpatuloy kayo, ginoo, at naibalik na ninyo ang aking lakas.”
20Sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako naparito? Babalik ako sa Persia upang ituloy ang pakikipaglaban sa pinuno ng kahariang iyon. Pagkatapos ay darating naman ang pinuno ng Grecia. 21Naparito ako upang ipaliwanag sa iyo ang nasa Aklat ng Katotohanan. Sa pakikipaglaban ko'y wala akong makatulong kundi si Miguel na iyong pinuno.”
Kasalukuyang Napili:
Daniel 10: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society