Nang tumigil na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pinalakas ang kanilang loob. Pagkatapos, nagpaalam siya at nagpunta sa Macedonia. Dinalaw niya ang mga bayan-bayan doon at pinalakas ang loob ng mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pangangaral. Nagpatuloy siya hanggang sa dumating siya sa Grecia at nanatili doon sa loob ng tatlong buwan. Aalis na sana siya papuntang Siria ngunit nabalitaan niyang may tangka ang mga Judio laban sa kanya, kaya't ipinasya niyang sa Macedonia na uli magdaan sa kanyang pagbabalik. Sumama sa kanya ang taga-Bereang si Sopater na anak ni Pirro, gayundin sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asia. Nauna sila at naghintay sa amin doon sa Troas. Kami naman ay sumakay sa barko mula sa Filipos pagkaraan ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at dumating kami sa Troas nang ikalimang araw. Nanatili kami roon nang pitong araw.
Nang Sabado ng gabi, kami'y nagkakatipon upang magpira-piraso ng tinapay. Si Pablo'y nangaral sa kanila hanggang hatinggabi, sapagkat aalis na siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtitipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang binata na ang pangala'y Eutico. Dahil sa kahabaan ng pagsasalita ni Pablo, si Eutico ay inantok at nakatulog nang mahimbing. At nahulog siya mula sa ikatlong palapag na kanyang kinaroroonan, kaya't patay na siya nang buhatin. Nanaog din si Pablo at niyakap siya, “Huwag kayong magkagulo, buháy siya!” Muling pumanhik si Pablo, at nagpira-piraso ng tinapay. Pagkatapos, nagpatuloy siya sa pangangaral sa kanila hanggang mag-uumaga, saka umalis. Ang binata naman ay buháy na inihatid sa kanyang bahay, at ito'y nagdulot sa kanila ng malaking kaaliwan.
Sumakay kami sa barkong papuntang Ason. Doon kami magkikita ni Pablo ayon sa bilin niya sa amin, sapagkat sasakyang panlupa ang kanyang gagamitin papunta roon. Nang magkita kami sa Ason, sumakay siya sa sinasakyan namin at sama-sama kaming pumunta sa Mitilene. Mula roon, patuloy kaming naglakbay at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Quio. Nang sumunod na araw, dumaan kami sa Samos, at makaraan ang isa pang araw ay dumating kami sa Mileto. Ipinasya ni Pablong lampasan ang Efeso upang huwag siyang maantala sa Asia, sapagkat ibig niyang nasa Jerusalem na siya sa araw ng Pentecostes.
Mula sa Mileto, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno ng iglesya sa Efeso. Pagdating nila ay kanyang sinabi,
“Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyong piling, mula noong unang araw na ako'y tumuntong sa Asia. Naglingkod ako sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at lumuluhang nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. Sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa harapan ng madla o sa bahay-bahay man, hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo. Maging Judio o Griego man ay pinapangaralan kong tumalikod sa kasalanan, manumbalik sa Diyos at manalig sa ating Panginoong Jesus. Ngayon, bilang pagsunod sa Espiritu Santo, ako'y pupunta sa Jerusalem at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. Ang tanging nalalaman ko ay ito: sa bawat bayang dinaanan ko, ipinapahayag sa akin ng Espiritu Santo na ang naghihintay sa akin ay pagkabilanggo at kapighatian. Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay magawâ ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, ang pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao.
“Nakisalamuha ako sa inyo habang nangangaral tungkol sa Kaharian. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. Kaya't sa araw na ito'y sinasabi ko, hindi ako mananagot kung mapahamak ang sinuman sa inyo, sapagkat hindi ako nag-atubiling ipahayag sa inyo ang layunin ng Diyos. Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagkat sila'y inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pag-iingat. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak. Alam kong pagkaalis ko'y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad nilang pupuksain ang kawan. Mula na rin sa inyo'y may lilitaw na mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mahikayat na sumunod sa kanilang mga alagad. Kaya't mag-ingat kayo. Alalahanin ninyong tinuruan ko kayo araw at gabi sa loob ng tatlong taon, at maraming luha ang pinuhunan ko.
“At ngayo'y itinatagubilin ko kayo sa Diyos at sa kanyang salitang nagpapahayag ng kanyang kagandahang-loob. Ito ang makakapagpatibay sa inyo at makakapagbigay ng mga pagpapalang inilaan sa lahat ng kanyang ginawang banal. Hindi ko hinangad ang ginto, pilak o pananamit ninuman. Alam ninyong nagbanat ako ng buto upang kumita ng ikabubuhay naming magkakasama. Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagtatrabaho, dapat ninyong tulungan ang mahihina. Alalahanin natin ang mga salita ng Panginoong Jesus, ‘Higit na mapalad ang nagbibigay kaysa tumatanggap.’”
Pagkasabi nito, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nila. Silang lahat ay umiiyak na yumakap at humalik kay Pablo. Labis nilang ikinalungkot ang kanyang sinabing siya'y hindi na nila muling makikita. At siya'y inihatid nila sa sakayan ng barko.