Kinabukasan, samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan upang manalangin. Bandang tanghali na noon. Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! tumindig ka, magkatay ka at kumain.”
Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi.”
Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon.
Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman sa lunsod ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at pagdating doon ay tumawag sila sa may pintuan.
Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.”
Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?”
Sumagot ang mga lalaki, “Kami'y pinapunta dito ni Kapitan Cornelio. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo at pakinggan ang sasabihin ninyo.” Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at kaibigan na kanyang inanyayahan. Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo kayo, ako'y tao ring tulad ninyo.”
Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na wala akong dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan. Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.”
Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan.
“Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong mga panalangin at kinalulugdan niya ang pagtulong mo sa mahihirap. Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at salamat naman at kayo'y pumarito. Ngayon ay nagtitipon kami sa harap ng Diyos upang makinig sa anumang ipinapasabi ng Panginoon.”
At nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang naunawaan na talagang walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat!