Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Timoteo 4:6-22

2 Timoteo 4:6-22 MBB05

Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik. Sikapin mong makapunta dito sa lalong madaling panahon. Iniwan na ako ni Demas dahil sa pagkahumaling niya sa sanlibutan; pumunta siya sa Tesalonica. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmacia. Si Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain. Pinapunta ko sa Efeso si Tiquico. Pagpunta mo rito, dalhin mo ang aking damit na iniwan ko sa Troas sa bahay ni Carpo. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong mga gawa sa balat. Napakasama ng ginawa sa akin ni Alejandrong panday. Ang Panginoon ang magpaparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. Mag-ingat ka sa kanya, sapagkat tutol na tutol siya sa ipinapangaral natin. Sa unang pagharap ko sa hukuman ay walang sumama sa akin; pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen. Ikumusta mo ako sa mag-asawang Priscila at Aquila, at sa pamilya ni Onesiforo. Nagpaiwan sa Corinto si Erasto; si Trofimo nama'y iniwan ko sa Mileto dahil may sakit siya. Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig. Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid. Nawa'y sumaiyo ang Panginoon, at pagpalain ka ng Diyos.