Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Taga-Corinto 9:6-15

2 Mga Taga-Corinto 9:6-15 MBB05

Tandaan ninyo ito: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim naman ng marami ay aani ng marami. Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang kusang nagbibigay nang may kagalakan. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa. Tulad ng nasusulat, “Siya'y nagbibigay nang libre sa mga dukha; ang kanyang katuwiran ay walang hanggan.” Ang Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila. Ang pagtulong ninyong ito sa mga kapatid ay hindi lamang makakatugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa ng walang hanggang pagpapasalamat nila sa Diyos. Ang bukás-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos. Kaya't buong pagmamahal nila kayong ipapanalangin, dahil sa dakilang kaloob ng Diyos sa inyo. Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kaloob na walang kapantay!