Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Taga-Corinto 3:1-14

2 Mga Taga-Corinto 3:1-14 MBB05

Akala ba ninyo'y pinupuri na naman namin ang aming sarili? Kami ba'y tulad ng iba na nangangailangan pa ng rekomendasyon para sa inyo o mula sa inyo? Kayo na mismo ang aming rekomendasyon, kayo na nakasulat sa aming puso at makikilala at mababasa ng lahat. Maliwanag na kayo ang sulat ni Cristo, ang sulat na ipinadala niya sa pamamagitan namin, hindi nakasulat sa pamamagitan ng tinta, kundi isinulat ng Espiritu ng Diyos na buháy, at hindi sa mga tapyas na bato kundi sa puso ng mga tao. Nasasabi namin ito dahil kami ay may pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming kakayahang gawin ito; subalit ang aming kakayahan ay kaloob ng Diyos. Binigyan niya kami ng kakayahang maging lingkod ng bagong tipan, isang kasunduang hindi nababatay sa kautusang nakasulat kundi sa Espiritu. Sapagkat ang kautusang nakasulat ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu'y nagbibigay-buhay. Nang ibigay ang Kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato, nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises kahit na ang liwanag na iyon sa mukha niya ay pansamantala lamang. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakaukit sa bato, at nagdadala ng kamatayan, ay dumating na may kalakip na gayong kaluwalhatian, gaano pa kaya ang kaluwalhatian ng paglilingkod ayon sa Espiritu? Kung may kaluwalhatian ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maluwalhati ang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala. Dahil dito, masasabi nating ang dating kaluwalhatian ay wala na, sapagkat napalitan na ito ng higit na maluwalhati. Kung may kaluwalhatian ang lumilipas, lalong higit ang kaluwalhatian ng nananatili magpakailanman. Dahil sa pag-asa naming iyan, malakas ang aming loob. Hindi kami tulad ni Moises na nagtalukbong ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang paglipas ng kaluwalhatiang iyon. Ngunit naging matigas ang kanilang ulo kaya't hanggang ngayo'y nananatili ang talukbong na iyon habang binabasa nila ang lumang tipan. Maaalis lamang ang talukbong na iyon sa pakikipag-isa kay Cristo.