Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Cronica 31

31
1Pagkatapos ng pagdiriwang na ito, ang lahat ng Israelitang dumalo ay pumunta sa mga lunsod ng Juda, at pinutol nila ang mga haliging sinasamba at dinurog ang mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. Winasak din nila ang mga sambahan at dambana ng mga pagano. Ginawa rin nila ito sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manases. Pagkatapos ay umuwi na sila sa kanilang mga tahanan.
2Pinagpangkat-pangkat muli ni Ezequias ang mga pari at Levita at binigyan ng kanya-kanyang gawain: may para sa handog na susunugin, at may para sa handog na pagkain. Ang iba'y tutulong sa pagdaraos ng pagsamba. Ang iba'y taga-awit ng pagpupuri at pasasalamat at ang iba nama'y mangangasiwa sa mga pintuan ng Templo ni Yahweh. 3Lahat#Bil. 28:1–29:39. ng handog na susunugin sa umaga at sa gabi, at sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang panahon ay kaloob ng hari, ayon sa itinakda ng Kautusan. 4Iniutos#Bil. 18:12-13, 21. ni Ezequias sa mga taga-Jerusalem na ibigay sa mga pari at Levita ang para sa mga ito upang ang buong panahon nila ay maiukol sa kanilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Yahweh. 5Pagkatanggap ng utos, ang mga Israelita ay nagbigay ng kanilang mga kaloob mula sa pangunahin nilang ani ng trigo, alak, langis at pulot at iba pang bunga ng kanilang bukid. Nagbigay din sila ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang kinita. 6Ang mga taga-Juda at mga Israelitang naninirahan sa mga lunsod ng Juda ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at lahat ng mga inani sa kanilang lupain. Nagdala rin sila ng napakaraming mga handog na inialay nila kay Yahweh na kanilang Diyos. 7Nagsimula ang pagdating ng mga kaloob noong ikatlong buwan at nagpatuloy hanggang sa ikapito. 8Nang makita ni Ezequias at ng kanyang mga pinuno ang dami ng mga kaloob, pinuri nila si Yahweh at pinasalamatan ang buong bayan. 9Tinanong ni Ezequias ang mga pari at mga Levita tungkol sa napakaraming handog. 10Ganito ang sagot ni Azarias, ang pinakapunong pari mula sa angkan ni Zadok: “Mula nang magdala ng handog sa Templo ni Yahweh ang mga tao, saganang-sagana kami sa pagkain at marami pang natitira. Nangyari ito dahil sa pagpapala ni Yahweh.”
11Iniutos ni Ezequias na gumawa ng mga bodega sa Templo, 12upang doon ilagay ang mga kaloob at mga ikasampung bahagi. Si Conanias na isang Levita ang ginawa nilang katiwala sa lahat ng ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na si Simei. 13Ang iba pang mga katulong nila ay sina Jehiel, Azazias, Nahat, Asael, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismaquias, Mahat at Benaias. Pinili sila ni Haring Ezequias at ni Azarias, ang namamahala sa Templo ni Yahweh. 14Si Korah na anak ni Imna at isang Levita ang bantay sa pintuan sa gawing silangan, ang pinamahala sa pagtanggap at pamamahagi ng mga kusang-loob na handog. Siya ang nagbibigay sa mga pari ng bahagi ng handog ng pasasalamat na para kay Yahweh at ng bahagi ng handog para sa kasalanan na kakainin ng mga pari sa banal na lugar. 15Ang katulong naman niya sa mga lunsod ng mga pari ay sina Eden, Minyamin, Jeshua, Semaya, Amarias at Secanias. Sila ang namamahagi sa mga kapatid, matanda o bata, ayon sa kanya-kanyang pangkat. 16Bawat isa'y tumatanggap ng nauukol sa sarili—lahat ng lalaki mula sa gulang na tatlong taon pataas na may pang-araw-araw na tungkulin sa Templo. 17Ang mga pari ay pangkat-pangkat na inilagay sa kanya-kanyang tungkulin ayon sa kanilang angkan at ang mga Levita namang mula sa dalawampung taon pataas ay ayon sa kanilang tungkulin. 18Itinalang kasama ng mga pari ang kanilang pamilya sapagkat kailangang maging handa sila anumang oras sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 19Ang mga pari na naninirahan sa mga lunsod na ibinigay sa angkan ni Aaron, o sa mga bukiring nasa lunsod ng mga ito ay nilagyan din ng mga tagapamahagi ng pagkain para sa lahat ng lalaki sa mga pamilya ng mga pari at sa lahat ng nakatala sa angkan ng mga Levita.
20Sa buong Juda, ginawa ni Haring Ezequias ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos niyang si Yahweh. 21Naging matagumpay siya, sapagkat ang lahat ng ginawa niya para sa Templo at sa kanyang pagtupad sa Kautusan, ay ginawa niya nang buong puso at katapatan sa kanyang Diyos.

Kasalukuyang Napili:

2 Mga Cronica 31: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in