1 Samuel 14
14
Ang Tagumpay ni Jonatan sa Micmas
1Isang araw, lingid sa kaalaman ng kanyang ama, sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, “Sumama ka sa akin at liligid tayo sa kabila ng kampo ng mga Filisteo.” 2Si Saul noon ay nasa labas ng Gibea, sa ilalim ng isang puno ng granada sa Micron, kasama ang may animnaraang tauhan. 3Naroon din ang paring si Ahias na anak ni Ahitob, kapatid ni Icabod at apo ni Finehas na anak naman ni Eli, ang pari ni Yahweh sa Shilo. Dala ni Ahias ang efod. Walang nakaalam sa lakad nina Jonatan.
4Ang magkabila ng daanang binabantayan ng mga Filisteo ay mataas na bato; Bozez ang tawag sa isang panig, at Sene naman ang kabila. 5Ang isa ay nasa gawing hilaga, sa tapat ng Micmas at ang isa nama'y nasa timog, sa tapat ng Gibea.
6Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, “Pumunta tayo sa kampo ng mga Filisteong ito. Natitiyak kong tutulungan tayo ni Yahweh at walang makakahadlang sa kanya. Pagtatagumpayin niya ang Israel sa pamamagitan ng marami o ng kakaunting tao.”
7Sumagot ang tagadala niya ng sandata, “Kayo po ang masusunod; kasama ninyo ako anuman ang mangyari.”
8“Mabuti kung gayon,” sabi ni Jonatan. “Tatawid tayo at magpapakita sa kanila. 9Kapag sinabi nilang hintayin natin sila, hindi tayo tutuloy ng paglapit sa kanila. 10Pero kapag sinabi nilang lumapit tayo, lalapit tayo sa kanila sapagkat iyon ang palatandaang sila'y ibinigay sa atin ni Yahweh.”
11At lumakad na silang dalawa. Nang matanaw sila ng mga Filisteo, sinabi ng mga ito, “Hayun, naglalabasan na sa lungga ang mga Hebreo.” 12At hiniyawan nila sina Jonatan, “Halikayo rito at may sasabihin kami sa inyo.”
Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng sandata, “Sumunod ka sa akin. Niloob ni Yahweh na sila'y mahulog sa kamay ng Israel.” 13Nagmamadali siyang umakyat sa matarik na bato, at sinalakay ang mga Filisteo. Bumabagsak ang bawat makaharap niya at ang mga ito'y pinapatay naman ng tagadala niya ng sandata. 14Dalawampu ang napatay nila sa pagsalakay na iyon sa may kalahating ektaryang pinaglabanan nila. 15Nasindak ang mga Filisteo, maging ang mga nasa lansangan, gayundin ang mga nasa kampo. Nayanig ang lupa at hindi nila malaman ang gagawin.
Natalo ang mga Filisteo
16Nakita ng mga kawal ni Saul sa Gibea ang pagkakagulo ng mga Filisteo. 17Sinabi ni Saul sa kanyang mga kasama, “Tingnan nga ninyo kung sino ang wala sa atin.” Tiningnan nila at natuklasan nilang wala si Jonatan at ang tagadala nito ng sandata.
18At sinabi ni Saul kay Ahias, “Dalhin mo rito ang efod.” Si Ahias nga ang may dala ng efod noon. 19Samantalang kinakausap ni Saul ang pari, palubha naman nang palubha ang kaguluhan ng mga Filisteo, kaya sinabi ni Saul sa pari, “Huwag mo nang ituloy ang pagsangguni sa Diyos.” 20Sinalakay ni Saul at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo na dinatnan nilang nagkakagulo, sila-sila'y nagtatagaan. 21Ang mga Hebreo namang kasama ng mga Filisteo ay pumanig na sa mga Israelita. 22Pati ang mga Israelitang nagtatago sa kabundukan ng Efraim ay sumama na rin sa pagsalakay sa mga Filisteo. 23Ang labanan ay umabot sa kabila ng Beth-aven at nang araw na iyon, iniligtas ni Yahweh ang Israel.
Ang Sumpa ni Saul
24Ang mga Israelita ay nanghihina na sa gutom nang araw na iyon. Ngunit walang mangahas kumain sapagkat mahigpit na ipinagbawal ni Saul ang tumikim ng pagkain bago lumubog ang araw hanggang hindi nila nalilipol ang mga kaaway. 25Nakarating sila sa isang kagubatan na sagana sa pulot. 26Pagpasok nila rito, nakita nilang umaagos ang pulot ngunit ni hindi sila tumikim dahil natatakot sila sa sumpa ni Saul. 27Palibhasa'y hindi alam ni Jonatan ang tungkol sa sumpa ng kanyang ama, itinubog niya sa pulot ang kanyang tungkod, at sinipsip ito. At nagliwanag ang kanyang paninging nanlabo na dahil sa gutom at pagod. 28Sinabi sa kanya ng isa sa mga Israelita, “Mahigpit pong ipinagbabawal ng iyong ama ang tumikim ng pagkain sa araw na ito. Kaya latang-lata na ang mga tao.”
29Sinabi ni Jonatan, “Bakit pinahihirapan ng aking ama ang mga tao? Heto at nagliwanag ang aking paningin nang tumikim ako ng pulot. 30Gaano pa kaya kung ang mga tao'y pababayaang kumain ng mga pagkaing nasamsam nila. Lalo sanang madadali ang paglipol sa mga Filisteo.”
31Nang araw na iyon, ang mga Filisteo'y nalupig ng mga Israelita mula sa Micmas hanggang Ahilon, ngunit lambot na lambot na sila sa gutom. 32Kaya, nagmamadali silang humuli ng mga hayop ng mga Filisteo. Nagpatay sila ng mga tupa, baka at mga guya. Dahil sa gutom, kinain ang mga ito nang hindi na nakuhang alisan ng dugo. 33May#Gen. 9:4; Lev. 7:26-27; 17:10-14; 19:26; Deut. 12:16, 23; 15:23. nagsumbong kay Saul na ang hukbo'y gumagawa ng malaking kasalanan kay Yahweh; kumakain sila ng karneng may dugo.
Kaya't sinabi ni Saul, “Ito'y isang malaking kataksilan! Igulong ninyo rito ang isang malaking bato, ngayon din. 34Sabihin ninyo sa mga tao na magdala rito ng baka o tupa at dito nila papatayin at kakanin para hindi sila magkasala kay Yahweh dahil sa pagkain ng dugo.” Kinagabihan, ang mga Israelita'y nagdala ng mga baka at doon pinatay. 35Si Saul nama'y nagtayo ng altar para kay Yahweh; ito ang unang altar na kanyang ginawa.
36Sinabi ni Saul sa kanyang mga tauhan, “Mamayang gabi, lulusubin natin ang mga Filisteo at lilipulin natin sila hanggang sa mag-umaga; wala tayong ititirang buháy sa kanila.”
Sumagot sila, “Kayo po ang masusunod.”
Ngunit sinabi ng pari, “Sumangguni muna tayo sa Diyos.”
37Sumangguni nga si Saul sa Diyos, “Lulusubin na po ba namin ang mga Filisteo? Pagtatagumpayin po ba ninyo kami?” Ngunit hindi siya sinagot ng Diyos. 38Kaya't sinabi niya, “Magsama-sama ang lahat ng pinuno ng Israel para malaman natin kung sino ang nagkasala. 39Sinuman siya ay tiyak na papatayin kahit na ang anak kong si Jonatan. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy#39 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay. at tagapagligtas ng Israel.” Walang umimik isa man sa mga Israelita. 40Sinabi ni Saul, “Magsama-sama kayo sa isang panig at kami naman ni Jonatan sa kabila.”
Sumagot ang mga tao, “Kayo po ang masusunod.”
41Pagkatapos,#Bil. 27:21; 1 Sam. 28:6. tumingala si Saul at sinabi, “Yahweh, Diyos ng Israel, bakit hindi kayo sumagot ngayon sa inyong lingkod? Kung ang nagkasala'y alinman sa amin ni Jonatan, ipabunot ninyo sa amin ang Urim. Ngunit kung ang mga tao ang nagkasala, ipabunot ninyo ang Tumim.” Nang gawin ang palabunutan, lumitaw na ang nagkasala'y ang panig nina Saul at Jonatan; walang dapat panagutan ang mga tao. 42Sinabi ni Saul, “Gagawin ngayon ang palabunutan para malaman kung sino sa amin ni Jonatan ang nagkasala.” At si Jonatan ang lumitaw na may kasalanan. 43Dahil dito, tinanong ni Saul si Jonatan, “Magsabi ka ng totoo, ano ang ginawa mo?”
Sumagot siya, “Itinubog ko ang aking tungkod sa pulot at ito'y aking tinikman. Kung kailangan akong patayin dahil doon, nakahanda po akong mamatay.”
44Sinabi ni Saul, “Gawin ng Diyos ang nararapat sa iyo at sa akin; mamamatay ka, Jonatan.”
45Sumagot ang mga tao, “Papatayin ba si Jonatan na nanguna sa pagtatagumpay ng Israel? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,#45 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay. isa mang buhok niya'y hindi malalaglag sapagkat siya ang kinasangkapan ngayon ng Diyos upang magtagumpay ang Israel.” Hindi nga pinatay si Jonatan sapagkat iniligtas siya ng mga Israelita.
46Tinigilan na ni Saul ang paghabol sa mga Filisteo; ang mga ito nama'y bumalik na sa kanilang teritoryo.
Ang Paghahari ni Saul at ang Kanyang Pamilya
47Sa panahon ng paghahari ni Saul sa Israel, nakalaban niya ang lahat niyang mga kaaway sa magkabi-kabilang panig. Ito'y ang mga Moabita, Ammonita, Edomita, Sobita at mga Filisteo. Nagtatagumpay siya saanman siya mapalaban. 48Lalong kinilala ang kanyang kapangyarihan nang talunin niya ang mga Amalekita, at patuloy na ipagtanggol ang Israel laban sa mga nagtatangkang sumakop dito.
49Ito ang mga anak ni Saul: ang tatlong lalaki ay sina Jonatan, Isui at Melquisua; ang mga babae nama'y sina Merab at Mical. 50Ang asawa ni Saul ay si Ahinoam na anak ni Ahimaaz. Ang pinuno ng kanyang hukbo ay si Abner na anak ng tiyo niyang si Ner 51na kapatid ng ama niyang si Kish at anak naman ni Abiel.
52Sa buong panahon ng paghahari ni Saul, naging mahigpitan ang labanan nila ng mga Filisteo. Kaya lahat ng lalaking makita niyang matapang at malakas ay isinasama niya sa kanyang hukbo.
Kasalukuyang Napili:
1 Samuel 14: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society