Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Macabeo 5

5
Pakikipaglaban sa mga Karatig-bansa
(2 Mcb. 10:14-33; 12:10-45)
1Nang mabalitaan ng mga Hentil sa mga karatig-bansa na muling itinayo at itinalaga ang altar at ang Templo, nag-alab ang kanilang galit. 2Ang napagbuntunan nila ng galit ay ang mga Israelita na kahalubilo nila. Ipinasya nilang lipulin ang mga ito.
Nang ang mga ito'y pinapatay na, 3sinalakay ni Judas ang mga taga-Edom sapagkat inaabangan ng mga ito ang mga Israelita. Doon sila sa Akrabatene nagsagupa; nalupig ni Judas ang mga Hentil at sinamsam niya ang ari-arian ng mga ito. 4Naalala niya ang masamang balak ni Baean at ng kanyang mga anak na laging nag-aabang sa daraanan ng mga Israelita upang patayin ang mga ito. 5Kinulong niya sila sa kanilang mga kuta at sumumpa na lubusan niyang lilipulin sila. Sinunog niya ang kanilang mga kuta at natupok silang lahat. 6Matapos gawin ito, tumawid si Judas sa ibayo upang lusubin ang mga Ammonita. Doo'y nakaharap niya ang isang malakas na hukbo na pinamumunuan ni Timoteo. 7Maraming paglalaban nila ang pinanalunan ni Judas, hanggang sa lubusan niyang nalupig ang mga ito. 8Bago siya nagbalik sa Judea, sinalakay niya at nilupig ang Jazer, pati ang mga karatig-bayan nito.
9Bilang ganti, ang lahat ng mga Hentil sa Gilead ay nagtipon at nagkaisang salakayin at lipulin ang mga Israelita na nakatira sa kanilang lupain. Ngunit ang mga ito'y tumakas at nagtago sa mga kuta ng Datema. 10Mula doo'y sumulat sila kay Judas at ibinalita ang balak ng mga Hentil na sila'y lipulin. 11Sabi pa nila,
“Sa pangunguna ni Timoteo, sila'y sasalakay sa kutang pinagtataguan namin. Kaya saklolohan agad ninyo kami, 12sapagkat marami na sa amin ang nasawi. 13Lahat ng mga kasamahan namin sa Tob ay napatay. May 1,000 lalaki ang pinaslang doon. Ang kanilang mga asawa't anak, at mga ari-arian ay tinangay lahat ng mga kaaway.”
14Samantalang binabasa ang sulat, may dumating na mga sugo galing sa Galilea na gayon din ang ibinalita; punit-punit ang kanilang mga kasuotan. 15Sinabi nilang ang mga taga-Tolemaida, Tiro, Sidon at Galilea ay nagsama-sama para puksain sila. 16Dahil dito, tinawag ni Judas ang lahat ng mamamayan upang pag-usapan ang dapat nilang gawin. 17Sinabi niya kay Simon, “Pumili ka ng mga tauhan mo at iligtas ang mga nasa Galilea. Kami ni Jonatan ang pupunta sa Gilead.” 18Ang pangangalaga sa Judea ay ipinagkatiwala sa nalalabi pang mga tauhan sa pangunguna nina Azarias at Joseng anak ni Zacarias. 19Bago umalis si Judas, nag-iwan siya ng ganitong utos: “Huwag kayong lulusob sa mga Hentil hanggang hindi kami nakakabalik. Basta't pangangalagaan ninyo ang mga mamamayan.” 20Tatlong libong tauhan ang kasama ni Simon sa pagsalakay sa Galilea, at 8,000 naman ang kay Judas na pupunta sa Gilead.
21Sinalakay nga ni Simon ang mga Hentil sa Galilea at pagkatapos ng maraming pagsasagupa ay nagapi niya ang mga ito. 22Tinugis niya ang mga ito hanggang sa pagpasok ng Tolemaida. Tatlong libo ang kanilang napatay sa mga tumakas, at marami rin silang nasamsam na ari-arian. 23Ang mga Judio sa Galilea at Arbata, kasama ang buong sambahayan at mga ari-arian ay ibinalik niya sa Judea, at gayon na lamang ang tuwa ng lahat.
24Si Judas Macabeo at ang kanyang kapatid na si Jonatan ay tumawid naman sa Jordan at tatlong araw na naglakbay sa ilang. 25May nasalubong silang mga mapayapang Nabateo, at ibinalita nila ang nangyari sa kanilang mga kababayan sa Gilead. 26Sabi nila, “Ang marami sa mga kasamahan ninyo'y nakulong sa Bozra, Bosor, gayon din sa Alema, Casfo, Maked at Carnaim.” Malalaki ang mga lunsod na ito at napapaderan. 27Sinabi pa nilang ang iba ay nasa ibang lunsod ng Gilead. Sinabi nilang kinabukasan ay lulusubin ng kaaway ang nasabing mga lugar at lilipulin ang mga Judio roon sa loob lamang ng isang araw.
28Pagkarinig nito'y hindi na nag-aksaya ng panahon si Judas. Sa halip na tumuloy sa Gilead, bumagtas sila ng ilang at tinungo ang Bozra. Naagaw nila ang lunsod, at pinatay ang lahat ng mga kaaway na lalaki roon. Sinamsam niya ang lahat ng ari-arian at sinunog ang lunsod. 29Kinagabihan, nagmartsa sila papunta sa kuta ng Datema. 30Kinaumagahan ay nakita nila ang hindi mabilang na mga taong lumulusob sa kuta. Ang mga ito'y may dalang mga hagdanan at iba't ibang kagamitang panalakay upang makuha ang kuta. 31Nabatid ni Judas sa narinig niyang umalingawngaw na tunog ng tambuli at sigawang halos umabot sa langit, na nagsimula na ang labanan. 32Sinabi niya sa kanyang hukbo, “Lumaban tayo, alang-alang sa ating mga angkan.”
33Pinagtatlong pangkat ni Judas ang kanyang hukbo, at mula sa likura'y sumugod sila na hinihipan ang mga tambuli at pasigaw na nagdarasal. 34Nakita ng mga kawal ni Timoteo na hukbo pala ni Judas ang kanilang kalaban kaya't sila'y umatras na. Sa labanang ito'y nalupig si Timoteo at humigit-kumulang sa 8,000 kawal nito ang napatay nang araw na iyon.
35Mula roon, nilusob naman nila ang Alema#35 ALEMA: Sa ibang manuskrito'y Maafa. at nasakop rin ito. Pinatay nila ang lahat ng lalaki roon, sinamsam ang mga ari-arian, at sinunog ang lunsod. 36Sunod-sunod nilang sinalakay at nalupig ang Casfo, Maked, Bosor, at iba pang mga lunsod sa Gilead.
37Pagkatapos, si Timoteo ay nagtipon ng panibagong hukbo at nagkampo sa tapat ng Rafon, sa kabilang ibayo ng ilog. 38Hindi ito nalingid sa kaalaman ni Judas kaya't nagsugo siya roon ng mga espiya. Ganito ang ulat nila: “Napakalaki ng hukbo nila, sapagkat sumama sa kanila ang mga Hentil sa palibot natin. 39Bukod doon, umupa pa sila ng mga Arabo. Nagkampo sila sa kabilang ibayo ng ilog at naghahanda na sa paglusob.” Pagkabatid nito, lumabas agad si Judas upang harapin sila.
40Nakita ni Timoteo si Judas at ang kanyang hukbo na tumatawid sa umaagos na ilog, kaya sinabi niya sa mga pinuno ng kanyang hukbo, “Kung sila ang unang tatawid, tiyak na tayo'y matatalo; hindi natin kaya ang lakas nila. 41Ngunit kung sila'y matakot at humimpil sa kabila ng ilog, tayo ang tatawid at matatalo natin sila.” 42Pagdating sa pampang ng ilog, ganito ang iniutos ni Judas sa mga pinuno ng kanyang mga kawal: “Huwag nang magtatayo ng tolda ang sinuman, sapagkat ang lahat ay lalaban.” 43Pagkasabi nito'y nauna siyang tumawid kasunod ang kanyang hukbo. Sa takot ng mga Hentil, itinapon na nila ang kanilang sandata, tumakas, at nagtago sa napapaderang templo nila sa Carnaim. 44Ngunit nakuha ng mga Judio ang lunsod na ito at sinunog ang Templo pati ang mga nagtatago roon. Dahil sa pagkasakop sa lunsod na ito, wala nang nangahas lumaban kay Judas.
45Nang maging payapa na ang lahat, tinipon ni Judas ang lahat ng mga Israelitang nasa Gilead. Iniutos niyang isama ang lahat ng sambahayan pati ang mga ari-arian at dalhin sa Judea. Napakarami nila, 46at pagsapit sa Efron, hindi sila agad nakalampas. Ang Efron ay malaki at napapaderang lunsod, at wala silang ibang madadaanan kundi sa gitna nito. 47Ngunit ayaw silang paraanin ng mga tagaroon. Isinara ng mga ito ang mga pintuan ng lunsod at tinambakan ng bato. 48Nagpadala sa kanila ng sulat si Judas na ganito ang nilalaman: “Wala kaming masamang layunin. Makikiraan lamang kami sa inyong lunsod para umuwi sa amin.” Ngunit hindi pa rin nila binuksan ang mga pintuan.
49Bunga nito, iniutos ni Judas na bawat isa'y lumusob mula sa kanya-kanyang kinalalagyan. 50Maghapo't magdamag silang lumaban hanggang sa sumuko ang mga taga-lunsod. 51Lahat ng lalaki sa lunsod ay pinatay. Sinamsam nila ang lahat ng ari-arian, at sinunog ang lunsod. At sa ibabaw ng mga bangkay dumaan si Judas at ang kanyang mga kasama. 52Mula roo'y tumawid sila ng Jordan patungo sa kapatagan ng Beth-san. 53Pinagdadakip niya sa daan ang mga nakatakas na kaaway. Habang naglalakbay, pinalakas ni Judas ang loob ng kanyang mga kasama hanggang sa sila'y sumapit sa Judea. 54Tuwang-tuwa silang umahon sa Bundok ng Zion upang mag-alay ng handog na susunugin bilang pasasalamat sa pagsapit nila nang ligtas at dahil sa walang napahamak ni isa man sa kanila.
55Samantalang ang magkapatid na Judas at Jonatan ay nasa Gilead, at ang kapatid nilang si Simon ay sumasalakay sa Tolemaida sa Galilea, 56nabalitaan nina Azarias at Joseng anak ni Zacarias ang kanilang kabayanihan. 57Kaya't sinabi nila, “Gumawa tayo ng paraan para matanyag din tayo. Labanan natin ang mga Hentil sa paligid natin.” 58Para matupad ang gayong layunin, iniutos nila sa kanilang hukbo na pasukin ang Jamnia. 59Nalaman ito ni Gorgias, kaya't hinarap niya ang mga ito. 60Sa labanang ito, natalo sina Jose at Azarias at hinabol sila hanggang sa pagpasok ng Judea. May dalawang libong Israelita ang nasawi sa labanang iyon. 61Ang pagkatalong ito ay bunga ng hindi nila pakikinig kay Judas at sa mga kapatid niya. Sa hangad na umani ng pansariling karangalan, 62ngunit hindi nila natamo ang kanilang layunin sapagkat hindi sila kabilang sa mga piling sambahayan na pinagkalooban ng karangalang magligtas sa Israel.
63Si Judas at ang kanyang mga kapatid ay natanyag at iginagalang ng mga Israelita at maging ng mga Hentil. Kapag nababalitaan ng mga tao ang kanilang kabayanihan, 64pinagkakaguluhan sila at pinaparangalan.
65Napagkaisahan ni Judas at ng mga kapatid niya na salakayin ang mga Edomita na nasa timog. Nakuha nila ang Hebron at ang mga bayan nito. Winasak nila ang mga kuta nito at sinunog ang mga tore. 66Mula roon, sinalakay nila ang mga Filisteo at tinawid ang Marisa.#66 MARISA: Sa ibang manuskrito'y Samaria. 67May mga paring lumabas upang makipaglaban sa hangad na matanyag subalit inabot sila ng kasawian. 68Patuloy si Judas sa kanyang pagsalakay, at ang hinarap naman ay ang Asdod, sa lupain ng mga Filisteo. Nagtagumpay rin siya at winasak ang mga altar roon, at sinunog ang mga diyus-diyosan. Nilimas nila ang mga bayan nito bago sila magbalik sa lupain ng Judea.

Kasalukuyang Napili:

1 Macabeo 5: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya