Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tito 3:9-15

Tito 3:9-15 ASND

Ngunit iwasan mo ang mga walang kwentang pagtatalo-talo, ang pagsusuri kung sinu-sino ang mga ninuno, at ang mga diskusyon at debate tungkol sa Kautusan, dahil wala itong naidudulot na mabuti. Pagsabihan mo ang taong sumisira sa inyong pagkakaisa. Itakwil mo siya kung pagkatapos ng dalawang babalaʼy hindi pa rin siya nagbabago. Alam nʼyo na masama ang ganyang tao, at ang kanyang mga kasalanan mismo ang nagpapatunay na parurusahan siya. Papupuntahin ko riyan si Artemas o si Tykicus. Kapag dumating na ang sinuman sa kanila, sikapin mong makapunta agad sa akin sa Nicopolis, dahil napagpasyahan kong doon magpalipas ng taglamig. Gawin mo ang iyong magagawa para matulungan sina Zenas na abogado at Apolos sa kanilang paglalakbay, at tiyakin mo na hindi sila kukulangin sa kanilang mga pangangailangan. At turuan mo ang ating mga kapatid na maging masigasig sa paggawa ng mabuti, para makatulong sila sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, magiging kapaki-pakinabang ang kanilang buhay. Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa mga kapatid diyan na nagmamahal sa amin. Pagpalain nawa kayong lahat ng Dios.