Mga Taga-Roma 8:26-32
Mga Taga-Roma 8:26-32 ASD
Tinutulungan tayo ng Espiritu sa kahinaan natin. Hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kaya ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Diyos para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin. At ang anumang nais sabihin ng Espiritu ay alam ng Diyos na siyang sumisiyasat sa puso ng mga tao. Sapagkat namamagitan ang Espiritu para sa mga tinawag na maging banal, kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos. Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin. Sapagkat alam na ng Diyos noon pa man kung sino-sino ang kanyang magiging mga anak. At silaʼy itinalaga niyang matulad sa kanyang Anak na si Hesus upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. Kaya ang mga taong pinili niya noong una pa ay tinawag din niya, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid, at ang itinuring niyang matuwid ay niluwalhati rin niya. Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Diyos, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin. Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay rin niya sa atin ang lahat ng bagay.









