Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Roma 7:1-13

Roma 7:1-13 ASND

Mga kapatid, alam naman ninyo ang tungkol sa batas. Kaya nauunawaan ninyo na ang taoʼy nasasakop lamang ng batas habang nabubuhay siya. Halimbawa, ayon sa batas, ang isang babaeng may asawa ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Pero kung namatay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. Kaya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buhay pa ang kanyang asawa, nagkakasala siya ng pangangalunya. Pero kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. At kung mag-asawa man siyang muli, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. Ganyan din ang nangyari sa inyo, mga kapatid. Malaya na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo. Muli siyang nabuhay at kayoʼy pinag-isa sa kanya para maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod sa Dios. Noong namumuhay pa tayo sa dati nating pagkatao, ang masamang pagnanasa ang naghahari sa ating katawan, at pinukaw pa ng Kautusan, kaya gumawa tayo ng mga bagay na nakapagdudulot ng kamatayan. Pero ngayon ay malaya na tayo sa Kautusan, dahil namatay na tayo sa Kautusang ito na dating umalipin sa atin. Ang ating paglilingkod ngayon sa Dios ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu. Ang ibig ko bang sabihin ay masama ang Kautusan? Aba, hindi! Sapagkat kung walang Kautusan hindi ko malalaman kung ano ang kasalanan. Halimbawa, kung hindi sinabi ng Kautusang, “Huwag kang maging sakim,” hindi ko sana nalaman na masama pala ang pagiging sakim. Ngunit ginamit ng kasalanan ang kautusang ito para pukawin sa akin ang lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, walang kapangyarihan ang kasalanan. Noong una, nabuhay ako nang walang Kautusan. Pero nang malaman ko ang Kautusan, nalaman kong ako palaʼy makasalanan at nahatulan na ng kamatayan. Kaya ang Kautusan na dapat sanaʼy magbibigay ng buhay ang siya pang nagdulot sa akin ng kamatayan. Sapagkat ginamit ng kasalanan ang Kautusan para dayain ako, at dahil dito nahatulan ako ng kamatayan dahil hindi ko masunod ang Kautusan. Pero sa kabila nito, banal pa rin ang Kautusan; ang bawat utos nito ay banal, matuwid at mabuti. Nangangahulugan ba na ang mabuting bagay pa ang siyang nagdulot sa akin ng kamatayan? Aba, hindi! Ang kasalanan ang siyang nagdulot nito. Ginamit ng kasalanan ang Kautusan, na isang mabuting bagay, para akoʼy mahatulan ng kamatayan. At dahil dito, nalaman ko kung gaano talaga kasama ang kasalanan.