Kaya ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin sa ating Panginoong Jesu-Cristo, mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios. Sa pamamagitan ni Jesus at dahil sa ating pananampalataya, tinatamasa natin ngayon ang biyaya ng Dios at nagagalak tayo dahil sa ating pag-asa na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao. At kung mabuti ang ating pagkatao, may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin. Nang wala tayong kakayahang makaligtas sa kaparusahan, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan sa panahong itinakda ng Dios. Bihira ang taong mag-aalay ng kanyang buhay para sa isang taong matuwid, bagamaʼt maaaring mayroong maglakas-loob na ibigay ang kanyang buhay para sa isang mabuting tao. Pero ipinakita ng Dios sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin. At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tiyak na maliligtas tayo sa parusa ng Dios dahil kay Cristo. Datiʼy kaaway tayo ng Dios, pero ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At ngayong mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios, tiyak na ililigtas niya tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng buhay ni Cristo. Hindi lang iyan, nagagalak tayo sa relasyon natin sa Dios ngayon dahil sa ginawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Naibalik na ang magandang relasyon natin sa Dios dahil sa kanya. Dumating ang kasalanan sa mundo dahil sa paglabag ni Adan sa utos ng Dios. At dahil sa kasalanan, dumating din ang kamatayan. Kaya lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao, dahil nagkasala ang lahat. Nasa mundo na ang kasalanan bago pa man ibigay ng Dios ang Kautusan. Pero hindi pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan kung wala namang Kautusan. Ganoon pa man, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga taong hindi naman nagkasala nang tulad ni Adan na lumabag sa utos ng Dios. Si Adan ay larawan ng Cristo na nooʼy inaasahang darating. Pero magkaiba ang dalawang ito, dahil ang kaloob ng Dios ay hindi katulad sa kasalanan ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa maraming tao ang kasalanan ni Adan, pero mas nakakahigit ang biyaya at kaloob ng Dios na dumating sa maraming tao sa pamamagitan ng isang tao na walang iba kundi si Jesu-Cristo.
Basahin Roma 5
Makinig sa Roma 5
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: Roma 5:1-15
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas