Bilang halimbawa kung paano itinuturing ng Diyos na matuwid ang tao, isipin ninyo si Abraham na ama ng mga Hudyo sa laman. Kung itinuring ng Diyos si Abraham na matuwid dahil sa mga nagawa niya, sanaʼy may maipagmamalaki siya. Ngunit wala siyang maipagmamalaki sa Diyos, dahil sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at dahil ditoʼy itinuring siyang matuwid ng Diyos.”
Ang ibinibigay sa isang taong nagtatrabaho ay hindi regalo kundi bayad sa kanyang pagod. Ngunit itinuring tayong matuwid ng Diyos sa kabila ng ating mga kasalanan hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa pananampalataya natin sa kanya. Ito rin ang ibig sabihin ni David nang sabihin niyang pinagpala ang mga taong itinuring na matuwid ng Diyos nang hindi dahil sa kanilang sariling gawa. Sinabi niya,
“Pinagpala ang taong pinatawad
at kinalimutan na ng Diyos
ang kanyang kasalanan.
Pinagpala ang tao
na hindi na papanagutin
ng Panginoon sa kanyang kasalanan.”
Ang pagpapala bang ito ay para lamang sa mga Hudyo, o para din sa mga Hentil? Alam natin ito dahil binanggit na namin na, “itinuring ng Diyos na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya.” Kailan ba siya itinuring na matuwid? Matapos ba o bago siya tuliin? Hindi baʼt noong hindi pa siya tuli? Tinuli siya bilang tanda na itinuring na siyang matuwid dahil sa kanyang pananampalataya. Kaya si Abraham ay naging ama ng lahat ng mga mananampalatayang hindi tuli. At dahil nga sa kanilang pananampalataya, itinuring silang matuwid ng Diyos. Siya rin ang ama ng mga Hudyong tuli, hindi lang dahil silaʼy tuli, kundi dahil sumasampalataya rin sila tulad ng ating ninunong si Abraham noong hindi pa siya tuli.
Ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang mundo. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Diyos kay Abraham hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil itinuring siya ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. Kung ang mga nasasakop lamang ng Kautusan ang magiging tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya at ganoon din naman ang pangako ng Diyos. Ang Kautusan ang siyang naging dahilan kung bakit may parusa mula sa Diyos. Kung walang Kautusan, wala ring paglabag.
Samakatuwid, nakabatay ang pangako ng Diyos sa pananampalataya upang itoʼy maging biyaya ng Diyos at tiyak na matatanggap ng lahat ng lahi ni Abraham; hindi lamang ng mga sakop ng Kautusan, kundi maging ng mga Hentil na sumasampalataya ring tulad ni Abraham, sapagkat siya ang ama nating lahat. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Kaya sa paningin ng Diyos, si Abraham ang ating ama. At ang Diyos na pinaniwalaan ni Abraham, ang siya ring Diyos na bumubuhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na wala pa.
Kahit na wala nang pag-asang maging ama si Abraham, nanalig pa rin siyang magiging ama siya ng maraming bansa; gaya nga ng sinabi ng Diyos sa kanya, “Magiging kasindami ng bituin ang bilang ng mga anak mo.”
Mag-iisang daang taóng gulang na siya noon. Alam niyang matanda na siya at mahina na ang katawan. Alam din niyang si Sara ay baog at hindi maaaring magkaanak. Ganoon pa man, hindi nanghina ang kanyang pananampalataya. Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos, kundi lalo pang tumibay ang kanyang pananampalataya. Pinapurihan niya ang Diyos dahil lubos siyang umasa na tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako.
Kaya nga, itinuring ng Diyos na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. Ngunit ang katagang, “itinuring na matuwid,” ay hindi lamang para kay Abraham, kundi para rin sa atin. Tayo man ay itinuturing ng Diyos na matuwid kung sumasampalataya tayo sa kanya na muling bumuhay sa ating Panginoong Hesus. Pinatay si Hesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay upang tayoʼy maituring na matuwid.