Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pahayag 9:7-20

Pahayag 9:7-20 ASND

Ang mga balang ay parang mga kabayong nakahanda sa digmaan. May nakapatong sa mga ulo nila na parang koronang ginto. Ang mga mukha nila ay parang mukha ng tao. Mahaba ang buhok nila tulad ng sa mga babae, at ang ngipin nila ay parang ngipin ng leon. Ang dibdib nila ay natatakpan ng parang pananggalang na bakal at ang tunog ng pakpak nila ay parang ingay ng mga karwaheng hinihila ng mga kabayo na sumusugod sa labanan. Ang buntot nilang tulad ng sa alakdan ay may kapangyarihang manakit sa mga tao sa loob ng limang buwan. May haring namumuno sa kanila – ang anghel na nagbukas ng pintuan sa kailaliman. Ang pangalan niya sa wikang Hebreo ay Abadon, at Apolyon naman sa wikang Griego. Tapos na ang unang nakakatakot na pangyayari ngunit may dalawa pang darating. Nang patunugin ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, narinig ko ang isang tinig mula sa mga sulok ng gintong altar na nasa harapan ng Dios. Sinabi ng tinig sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Pakawalan mo na ang apat na anghel na nakagapos doon sa malaking ilog ng Eufrates!” Kaya pinakawalan ang apat na anghel na iyon. Inihanda sila noon pa para sa oras na iyon upang patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan. Narinig ko na ang bilang ng mga hukbo nilang nakasakay sa kabayo ay 200,000,000. At nakita ko sa pangitain ko ang mga kabayo at ang mga sakay nito. Ang mga nakasakay ay may mga pananggalang na pula na tulad ng apoy, asul na tulad ng sapiro at dilaw na tulad ng asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon at sa bibig nila ay may lumalabas na apoy, usok at asupre. At sa pamamagitan ng tatlong salot na ito – ang apoy, usok at asupre – namatay ang ikatlong bahagi ng mga tao. Ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa bibig at buntot nila. Ang buntot nila ay may mga ulo na parang mga ahas, at ito ang ginagamit nila sa pananakit ng mga tao. Ngunit ang mga tao na natitirang buhay ay ayaw pa ring tumalikod sa mga dios-diosang ginawa nila. Patuloy pa rin sila sa pagsamba sa masasamang espiritu at mga rebultong yari sa ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy. Ang mga rebultong ito ay hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakalakad.