At sinabi pa niya, “Naganap na ang lahat! Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang simula at ang katapusan ng lahat. Ang sinumang nauuhaw ay paiinumin ko nang walang bayad sa bukal na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ang mga magtatagumpay ay gagawin kong mga anak ko, at akoʼy magiging Dios nila. Pero nakakatakot ang sasapitin ng mga duwag, mga ayaw sumampalataya sa akin, marurumi ang gawain, mga mamamatay-tao, mga imoral, mga mangkukulam, mga sumasamba sa mga dios-diosan, at lahat ng sinungaling. Itatapon sila sa nagliliyab na lawang apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”
Lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na nagbuhos ng laman ng kanilang mga sisidlan, na siyang pitong panghuling salot. Sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang babaeng ikakasal sa Tupa.” Napuspos agad ako ng Banal na Espiritu, at dinala ako ng anghel sa tuktok ng napakataas na bundok. At ipinakita niya sa akin ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios. Nakakasilaw itong tingnan dahil sa kapangyarihan ng Dios, at kumikislap na parang mamahaling batong jasper na kasinglinaw ng kristal. Ang lungsod ay napapalibutan ng mataas at matibay na pader, na may 12 pintuan, at bawat pintuan ay may tagapagbantay na anghel. Nakasulat sa mga pintuan ang pangalan ng 12 lahi ng Israel. Tatlo ang pinto sa bawat panig ng pader: tatlo sa silangan, tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, at tatlo sa kanluran. Ang pader ay may 12 pundasyong bato at nakasulat doon ang 12 pangalan ng mga apostol ng Tupa.
Ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay may dalang panukat na ginto upang sukatin ang lungsod, pati na ang mga pinto at mga pader nito. Kwadrado ang sukat ng lungsod. Pareho ang haba at ang luwang – 2,400 kilometro. Ganoon din ang taas nito. Sinukat din niya ang pader, 64 metro ang taas nito. (Ang panukat na ginamit ng anghel ay katulad din ng panukat na ginagamit ng tao.) Ang pader ay yari sa batong jasper. Ang lungsod naman ay yari sa purong ginto na kasinglinaw ng kristal.