Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pahayag 18:1-20

Pahayag 18:1-20 ASND

Pagkatapos nito, nakita ko ang isang anghel na bumaba mula sa langit. Makapangyarihan ang anghel na ito at nagliwanag ang buong mundo dahil sa kanyang kaningningan. Sumigaw siya nang malakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang sikat na lungsod ng Babilonia. Tirahan na lang ito ngayon ng mga demonyo at masasamang espiritu, at mga kasuklam-suklam na ibon na itinuturing na marumi. Nangyari ito sa lungsod ng Babilonia dahil inakit nito ang mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad niya na kinamumuhian ng Dios. Ang mga hari sa mundo ay nakipagrelasyon sa kanya. At yumaman ang mga negosyante sa mundo, dahil sa kanila siya bumibili ng mga pangangailangan niya upang masunod ang bisyo at kalayawan niya.” Pagkatapos, may narinig akong isa pang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Kayong mga mamamayan ko, lumayo kayo sa kanya upang hindi kayo maging bahagi sa ginagawa niyang kasalanan, at upang hindi ninyo danasin ang parusang nakalaan sa kanya. Ang bunton ng kanyang kasalanan ay abot hanggang langit. At hindi na palalagpasin ng Dios ang kanyang kasamaan. Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niyang masama sa inyo. Gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa. Kung ano ang ginawa niyang masama sa inyo doblehin ninyo at ibigay sa kanya. Kung paanong nagmataas siya at namuhay sa karangyaan at kalayawan, gantihan ninyo siya ng katumbas na kahirapan at kalungkutan. Sapagkat inakala niyang reyna siya at hindi makakaranas ng kalungkutan tulad ng mga biyuda. Dahil dito, sabay-sabay na darating sa kanya sa loob lang ng isang araw ang mga salot: mga sakit, kalungkutan, at gutom. Pagkatapos, susunugin siya, sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Dios na nagpaparusa sa kanya.” “Iiyakan siya ng mga haring nakipagrelasyon sa kanya at nakisama sa kalayawan niya kapag nakita nila ang usok ng kanyang pagkasunog. Tatayo lang sila sa malayo at magmamasid dahil takot silang madamay sa parusa sa lungsod na iyon. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat at makapangyarihang lungsod ng Babilonia. Sa loob lang ng maikling panahon ay naparusahan siya!’ “Iiyak at magdadalamhati sa kanya ang mga negosyante sa buong mundo dahil wala nang bibili ng mga paninda nila. Wala nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, mamahaling bato, at perlas; at ng kanilang mga telang linen, seda at mga telang kulay ube at pula. Wala na ring bibili ng kanilang mababangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante at yari sa mamahaling kahoy, tanso, bakal at marmol. At sino pa ang bibili ng mga pabango nila tulad ng sinamon, kamangyan, mira at iba pa? Wala nang bibili ng kanilang mga alak, langis, harina at trigo; at ng kanilang mga baka, tupa, kabayo at karo; at pati ng kanilang mga alipin at mga tao. Sasabihin ng mga negosyante sa lungsod ng Babilonia, ‘Nawala na ang lahat ng bagay na hinangad mo na maangkin. Kinuha na sa iyo ang lahat ng kayamanan at ari-ariang ipinagmamalaki mo, at hindi mo na makikitang muli ang mga ito!’ Ang mga negosyanteng yumaman dahil sa kalakal nila sa lungsod ay tatayo lang sa malayo dahil takot silang madamay sa parusa sa kanya. Iiyak sila at magdadalamhati, at sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat na lungsod na iyan! Dati ang mga tao riyan ay nagdadamit ng mamahaling telang kulay puti, ube at pula, at napapalamutian ng ginto, mamahaling bato at perlas! Pero sa loob lang ng maikling panahon, nawala ang lahat ng kanyang kayamanan!’ “Tatayo lang at magmamasid ang mga kapitan ng barko at ang mga tripulante nila, pati na ang mga pasahero at ang lahat ng mga naghahanapbuhay sa dagat. At habang minamasdan nila ang usok ng nasusunog na lungsod, sisigaw sila, ‘Walang katulad ang sikat na lungsod na iyan!’ At dahil sa kanilang kalungkutan, lalagyan nila ng alikabok ang ulo nila at mag-iiyakan. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat na lungsod na iyan. Dahil sa yaman niya, yumaman ang mga may-ari ng barko na bumibiyahe roon. Pero sa loob lang ng maikling panahon, nawala ang lahat!’ “Kaya kayong lahat ng nasa langit, matuwa kayo dahil sa nangyari sa lungsod na iyon. Matuwa kayo, kayong mga propeta, mga apostol at mga pinabanal ng Dios, dahil hinatulan na siya ng Dios sa mga ginawa niya sa inyo!”