Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Salmo 18:1-24

Salmo 18:1-24 ASND

Iniibig ko kayo PANGINOON. Kayo ang aking kalakasan. PANGINOON, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang. Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin. Karapat-dapat kayong purihin, PANGINOON, dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko. Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan, na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin. Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, PANGINOON kong Dios, at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo. Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig. Umusok din ang inyong ilong, at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga. Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba, at tumuntong sa maitim at makapal na ulap. Kayoʼy sumakay sa isang kerubin, at mabilis na lumipad na dala ng hangin. Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman, at nagtago kayo sa maitim na ulap. Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan, at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga. Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming PANGINOON, ay dumadagundong mula sa langit. Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban at nataranta silang nagsitakas. Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito, pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad. At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo at inahon mula sa malalim na tubig. Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan. Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan. Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, PANGINOON. Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin. Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran. Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan. Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban, at hindi ko kayo tinalikuran, PANGINOON na aking Dios. Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos. Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway. Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan, at iniiwasan ko ang kasamaan. Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan, dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya